Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Meralco-MVP habulin sa P4B overpricing

0 142

Isinulong sa Kamara ng isang grupo ng mga mambabatas na isalang sa imbestigasyon ang Meralco dahil sa pagkunsinti umano nito sa Quezon Power Philippines Ltd. (QPPL) na mag-overprice sa kanilang electricity rate na umabot sa mahigit P4 bilyon.

Sa House Resolution No. 1350 na inihain nina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, Rep. Ferdinand Gaite at Rep. Eufemia Cullamat kasama ang consumer group na Matuwid na Singil sa Kuryente (MSK), hiniling nila sa House committee on energy na busisiin ang overcharging ng QPPL sa Meralco na ipinapasa naman umano ng kompanya ni Manuel V. Pangilinan sa kanilang mga kustomer.

Ang QPPL ay isang coal-fired power plant sa Mauban, Quezon na pag-aari ng Electricity Generating Public Company Limited (EGCO) sa Thailand. Ito ang partner ng Meralco sa pagsusuplay ng kuryente sa mga kustomer ng huli.

Itinutulak anila ang imbestigasyon para maging gabay sa gagawin nilang batas sa mga kapareho nitong negosyo.

Batay umano sa generation purchase ng Meralco noong 2019, lumitaw na ang QPPL ang pinakamahal sa lahat ng planta sa bansa na gumagamit ng uling sa kanilang operasyon simula taong 2000 dahil sa singil nitong mula 9% hanggang 12%.

Nitong 2020, nagbayad pa anila ang Meralco sa QPPL ng 51% hanggang 82% na mas mataas kaysa ibang coal plant.

Sinabi ng mga kongresista na mas mataas ito ng 51% kaysa sa AC Energy na sumisingil lang ng P4.55; 66% naman ang taas nito kumpara sa P4.051,82 ng Sual Power Plant ng San Miguel; 82% na mas mataas sa P3.6549 per kwh ng Therma Power sa Pagbilao at 66% din na mas mataas sa P4.0533 per kwh ng bagong 460 megawatt San Buenaventura.

Idinagdag ng mga mambabatas ng na bumili ng kuryente ang Meralco ng 1,601 billion kwh mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon ng P6.73 per kwh gayung mabibili lang ito ng P4.20 per kwh sa ibang coal plant.

Giit nila, ang diperensyang P2.53 per kwh ay katumbas ng P4.05 bilyong na buwis na dapat bayaran ng Meralco pero ipinapasa at sinisingil nila ito sa kanilang mga kustomer.

Hindi umano makatarungan ang paniningil at pang-aabuso ng Meralco at mga kasama nito sa negosyo para kumita ng limpak sa pamamagitan ng mga kawawang Pinoy. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.