Abante Tonite Interactive

Meralco-MVP pinagbayad sa iligal na putol-kuryente

By
2,599

Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) na ba­yaran ng Meralco ang sobrang siningil nito sa isang kompanya dahil sa kabiguan ng power distribution utility na sumunod sa mga legal requirement bago pinutulan ng supply ng kuryente ang kanilang kostumer.

Sa 22 pahinang desisyo­n na inilabas noong Hunyo 28, sinang-ayunan ng SC Third Division ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) noong Enero 21, 2011 na ina­atasan ang Meralco para bayaran nito ang overbilling sa Norde­c Philippines noong Nob­yembre 23, 1987 na halagang P5,625.

Pero binago ng SC ang desisyon ng CA na magbayad din ang Meralco ng P300,000 para sa exemplary da­mages at attorney’s fees. Sa halip ay inatasan na lamang ang Meralco na bayaran ang Nordec ng P30,000 para sa nominal damages at sa ginastos nito sa kaso.

Batay sa desisyon ng SC, dapat sumunod ang mga power distribution utility sa mga legal requirement bago putulan ng supply ng kuryente ang kanilang mga kostumer dahil sa umano’y tampering ng metering device.

“It is well-settled that electricity distribution utilities, which rely on mechanical devices and equipment for the orderly undertaking of their business, are duty-bound to make reasonable and proper periodic inspections of their equipment. If they are remiss in carrying out this duty due to their own negligence, they risk forfeiting the amounts owed by the customers affected,” ba­hagi ng desisyon na sinulat ni Associate Justice Marvic Leonen.

Binanggit ng SC na mismong ang Meralco ang nagsabi na nagsi­mula ang iregularidad sa metering device ng Nordec noong Enero 18, 1985 base na rin sa kanilang demand letter noong Agosto 7, 1985.

Pero sinabi ng SC na nadiskubre lamang ang diumano’y tampering sa ginawang inspeksyon noong Mayo 29, 1985.

Hindi rin umano bi­nanggit ang nadiskub­reng depekto sa meterin­g device sa ibi­nigay na ‘Power Field Orders’ sa Nordec pagkatapos ng inspeksyon. Sinabi pa ng SC na nabigo rin ang Meralco na sumunod sa 48-hour disconnection notice sa kanilang kostumer.