Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Meralco-MVP tax kinarga sa consumer

0 96

Mga konsyumer ang pagbabayarin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng amelyar, local franchise at business tax ng mga distribution utility tulad ng Meralco at mga electric cooperative.

Nabatid na nilagdaan na ni ERC chairperson at chief executive officer Agnes Devanadera at nina Commissioner Floresinda G. Baldo-Digal at Commissioner Marko Romeo Fuentes ang ERC Resolution No. 2 noong Disyembre 17, 2020.

Basahin: Toni pakner na Taiwanese pinatugis

Hindi ito pinirmahan nina Commissioner Alexis M. Lumbatan at Commissioner Catherine P. Maceda dahil kapwa naka-leave ng panahong iyon ang dalawang opisyal ng ERC.

Ang ERC Resolution No. 2 ang gagabay kung paano kukubrahin ng Meralco at iba pang distribution utility at electric cooperative ang amelyar o real property tax, at ang mga franchise at business tax sa kanilang franchise area.

Basahin: Digong sinuka ni Freddie? ‘May bayag dapat next president’

Ang resolusyon ay applicable lamang sa amelyar, franchise, at business tax para sa 2021 at mga susunod pang mga taon.

Sabi ni National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (NASECORE) founder at dating Energy Undersecretary Pete Ilagan, taliwas ang ERC Resolution No. 2 sa direktiba ng Supreme Court sa Meralco nang kinuha nito sa mga konsyumer ang pambayad sa income tax ng kompanya kaya’t pina-refund ng hukuman ang mahigit P27 bilyon sa mga kustomer nito.

Aniya, dehado ang mga konsyumer sa direktiba ng ERC na kamping-kampi sa mga distribution utility at wala man lang pagkakataong busisiin ang kanilang mga libro para masigurong hindi sila lalampas sa 12% return on rate base.

“This reso is pro-utility, anti-consumers and giving undue advantage to utilities without the benefit of auditing their revenues and income,” sabi ni Ilagan.

Basahin: Hamon kay Lorenzana: Militar ilagay sa WPS, hindi sa campus

Napag-alaman na ang resolusyon ay bunga ng petisyon ng Private Electric Power Operators Association (PEPOA) na inihain noong Enero 2017 na nagpanukalang ipasa sa mga konsyumer ang real property tax o amelyar. Naghain din ng kaparehong petisyon sa ERC ang Philippine Rural Electric Cooperative Association Inc. noong Oktubre 2018.

May halos kaparehong galaw din ang Meralco ni Manny V. Pangilinan noong Marso 2017 nang naghain ito ng aplikasyon sa ERC para aprubahan ang mga over-recovery sa net generation charge, net transmission charge, net lifeline subsidy at senior citizen discount kasama na rin ng recovery ng real property tax na P1.09 bilyon mula Hunyo 2014 hanggang Disyembre 2016. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.