Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Meralco-MVP tumiba sa Quezon Power deal

0 113

Inihayag ng isang consumer group na naghain sila ng reklamo sa Energy Regulatory Commission (ERC) ukol sa kaduda-dudang relasyon ng Meralco ni Manuel V. Pangilinan at ng Quezon Power Philippines Lt. Co. (QPPL) ng Thailand.

Sabi ng Matuwid na Singil sa Kuryente (MSK) Consumer Alliance Inc., patuloy pa ring binibili ng Meralco ang suplay ng kuryente nito sa QPPL na higit na mas mahal kumpara sa ibang power generating company.

Ayon kay David Celestra Tan ng MSK, nahain na sila ng reklamo sa ERC dahil sa sobrang mahal na kuryente na binabayad ng Meralco sa QPPL na pinapasa lamang sa mga consumer ngunit wala pang pormal na aksyon dito.

“We officially filed a complaint with the ERC but they have yet to act on it,” sabi ni Tan.

Ayon sa datos ng Meralco, P6.7125 per kilowatt hour ang kuryenteng binibili nito sa QPPL ngayon Enero, mas mahal ng 50% sa average generation cost na nasa P4.4038 per kWh.

Ang QPPL ay isang independent power producer (IPP) at ang pagbili ng Meralco dito ng kuryente ay sakop ng isang kontrata.

May dalawa pang IPP na pinagkukuhanan ng kuryente ang Meralco. Ito’y ang First Gas Power Corp.-Sta. Rita at ang FGP Corp-San Lorenzo na ang singil ngayong Enero ay nasa P4.0053 per kWh at P4.5010 per kWh lamang.

Ang sumunod na mahal na kuryenteng binibili ng Meralco ay sa First NatGas Power Corp.-San Gabriel na sakop ng power supply agreement (PSA) at nagkakahalaga ng P5.70 per kWh at pangatlo naman sa South Premier Power Corp. na P5.5978 per kWh ang singil.

Ang average na power generation cost ngayong Enero ay P4.4038 per kWh sapagkat nasa P3.7506 per kWh ang bili sa ibang PSA ng Meralco.

Sa kuwenta ng MSK, umaabot na sa P5.28 bilyon ang napiga sa mga consumer mula sa sobra-sobrang singil na kuryente ng Meralco mula sa QPPL.

Para sa MSK, hindi katanggap-tanggap ang sobra-sobrang singil ng kuryente ng QPPL dahil mas mahal pa ito kaysa sa mga coal power plant na kasabayan lang nitong itinayo noong bandang 2000.

Dagdag pa ng MSK, sabihin man ng Meralco na pinayagan ng ERC ang mahal na sinisingil na kuryente mula QPPL noon pa, hindi tama na hayaan lang itong ipagpatuloy at dapat na itong busisiin.

Puna pa ng MSK, ang QPPL ang nagtala ng pinakamahal na singil sa kuryente noong Marso 2020 na nasa P28.44 kWh gayong biglang bumaba naman ang gamit ng kuryente sa bansa noong panahon na iyon.

Wala pang pahayag ang Meralco ukol dito. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.