Abante Tonite Interactive

Meralco nakaalerto sa Bagyong ‘Tisoy’

0 286

Sinabi kahapon ng Manila Electric Company na handa itong magdeklara ng ‘General State of Alert’ at ginagawa na nito ang lahat para agad makares­ponde sa mga outage na maaring magresulta sa pagdaan ng bagyong Tisoy sa bansa.

Sabi ni Meralco public information office head Joe Zaldarriaga, 24-hour service company ang Meralco kaya’t handa itong rumesponde sa iba’t ibang klaseng mga emergency.

“Our crews are on standby to attend to any trouble that may affect our facilities in areas that might be hit by the typhoon (naka standby na ang aming nga tauhan para maayos ang anumang magiging problema sa aming mga facilities na dadaanan ng bagyo),” sabi ni Zaldarriaga.

Naglabas na ng mga advisory ang Meralco tungkol sa paghahanda bago dumating ang bagyo. Inabisuhan na nito ang mga billboard owner at ope­rator na tiklupin muna ang mga ito para hindi matumba ang mga pinagkakabitan nito. Madalas kasi natutumba ang mga billboard sa mga electrical facility na nagiging sanhi ng mga outage ‘pag may malalakas na bagyo.

Sakaling bumaha, pinapayuhan ng Meralco ang lahat na patayin ang main power switch at circuit breaker at tanggalin sa saksakan lahat ng mga appliances. Kung maari, tanggalin din ang mga bumbilya.

Pagkahupa ng baha, siguruhing tuyo ang mga kable at connector at linisin. Bago ito gamitin, patignan muna sa isang licensed electrician ang mga koneksyon. (Eileen Mencias)