Abante Tonite Interactive

Mercado, Ferrer, Cruz babalikatin ulit ang ‘Pier’

316

Sasagwan ang nagbalasang NorthPort Batang Pier sa solo-liderato ng PBA Commissioner’s Cup kontra Phoenix Fuel Masters sa first game ng double-header mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Tatangkain ng Batang Pier na sikwatin ang panlimang sunod na panalo at pang-walo sa siyam na laro para kalasan ang kabuhol na TNT.

Sa kabilang banda, apat ang injured sa Fuel Masters, wala pa si Calvin Abueva (indefinite suspension).

May kanya-kanyang injuries sina LA Revilla, Jaypee Mendoza, Michael Gamboa at Rey Guevarra. Iniinda rin ni Jason Perkins ang nananakit na balikat.

“It will be tough, but we’ll be ready,” giit ni Phoenix coach Louie Alas.

Papasok sa final stretch ng 11-game eliminations, dalawa pa lang sa anim na laro ang naipapanalo ng Fuel Masters, nasa 9th place sa kasalukuyan sa unahan lang ng 1-6 Columbian at 1-7 NLEX. Tanging top 8 lang ang papasok sa susunod na round, twice-to-beat ang top 2.

“We’ve got only 12 healthy guys,” dagdag ng coach. “I just hope that we can sustain our energy.”

May problema rin ang NorthPort dahil injured sina Nico Elorde, Jonathan Grey, Lervin Flores at Bradwyn Guinto, pero nakapag-deliver ang mga bagong dating mula Ginebra na sina Sol Mercado, Kevin Ferrer at Jervy Cruz.
(Vladi Eduarte)