Abante Tonite Interactive

Merry kaya ang Christmas ng mga Pinoy?

By
178

September na at hudyat ito ng “BER” months o pagpasok ng holiday season. U­nang araw pa lang ng September ay abala na ang mga malalaking mall sa paglalagay ng dekorasyong pamasko kaya bawat makakita ay sumasaya ang pakiramdam.

Pero mas nangingi­babaw ngayon sa isip ng maraming Pinoy kung maitatawid ba nila ang Pasko at Bagong Taon lalo na at lahat ng bagay at mga bilihin ay walang patid sa pagtaas ng presyo.

Laman ngayon ng mga balita sa diyaryo, radyo at telebisyon ay ang mataas na presyo ng bigas, manok, karne ng baboy pati na rin ang mga gamit pang-kusinang mantika, toyo, suka at maging ang mga de-lata.

Hanggang saan ang kayang aabutin ng sahod ng isang ordinaryong manggagawa kung kada linggo ay may pasenti-sentimong dagdag sa presyo ng mga bilihin.

Para sa mga bata, ang Pasko ang pinakamasayang bahagi ng taon dahil sa mga matatanggap na regalo mula sa mga ninang at ninong . Hindi alam ng mga ito ang sitwasyon sa bansa, pati na sa sitwasyon sa bulsa ng kanilang mga magulang.

Pero para sa mga magulang, problema sa mga ito kung paano pagkakasyahin ang maliit na sahod para sa pamilya. Aminin man o hindi ng nakararaming Pinoy, halos hindi sapat ang isang buwang sahod para sa kanilang mag-anak.

Hindi pa man nag-iinit sa pahina ng ka­lendaryo ang September ay mataas na agad ang presyo ng mga pagkaing pang-noche buena lalo na kung dagdagan ng luho para sa mga hamon at keso de bola.

Sa isang palengke survey na ang tinutukan ay mga pagkaing pang-noche buena, kulang ang P1,000 para sa simpleng handa dahil tumaas ang lahat ng mga produktong pamasko.

Kung dati ay sapat na ang P800 para sa isang simpleng handa ng isang mahirap na pamilya, ngayon ay hindi makukumpleto ang sangkap sa ihahanda sa P800.

Pero dahil madiskarte ang mga Pinoy, hindi naman papayag si Juan dela Cruz na payak ang magiging handa dahil tiyak na gagawa ng paraan para magiging masaya ang pamilya kahit ipangu­tang huwag lang tuyot ang Pasko at Bagong Taon.

At dahil may eleksiyon sa susunod na taon, tiyak na mamumuhunan na ang mga politiko ngayong holiday seasons para makapagparami ng boto sa darating na Mayo.

Patok na gimik ng mga politikong kakandidato ang mamigay ng pamasko sa mga Pinoy kaya tiyak ngayon pa lang ay abala na ang mga ito sa paghahanap ng mga produktong pamasko, kahit walang tatak o tatakbuhin basta puwedeng maging laman-tiyan para sa mga Pinoy.