Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Metro Manila handa na ba sa bagong quarantine policy?

0 75

Hindi pa man nasisimulan ang implementasyon ng bagong quarantine policy ay nagkakalituhan na ang mamamayan sa granular lockdown na may kasamang alert level system.

Sanay na kasi ang publiko, partikular ang mga nasa Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ) at ngayon ay bagong sistema ang ipaiiral sa layuning makapagtrabaho na ang mas maraming indibidwal na matagal ding nagsakripisyo at nagtiis dahil sa paulit-ulit na lockdown.

Ilang alkalde sa Metro Manila ang umamin na nakagulo ang ipapatupad na alert level system sa mga lugar na kakikitaan ng mataas na COVID-19.

Wala anilang problema sa granular lockdown dahil nakasentro lamang ito sa isang bahay, isang kalye o isang buong barangay na may COVID-19 cases.

Mangangahulugan ito na ang mga hindi apektado ng kontaminasyon ay makakakilos ng maayos at makakapaghanapbuhay para may maipakain sa pamilya.

Kung ang mga alkalde ang masusunod ay wala na dapat ang alert level system para mas madaling matutukan ang mga lugar kung saan may kontaminasyon para hindi na ito kumalat sa ibang lugar.

Pero dahil ipapatupad pa lamang ito, kumbaga ay nanganganay pa at nangangapa kung magiging spektibo o hindi, hintayin na lamang natin kung ano ang magiging resulta ng bagong estilo ng gobyerno.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Magulo man o hindi, o kulang pa sa paliwanag sa publiko, ang mainam na gawin ay manatiling sundin ang mahigit isang taon ng ginagawang pag-iingat para hindi mamiligro ang buhay sa COVID-19.

Napagdaanan na ng mga Pilipino ang pinakamahigpit at pinakamahabang lockdown kaya kung ano man ang hatid ng bagong paraan para makaiwas sa COVID-19 ay tiyak na kakayanin ng mga Pinoy.

Wala rin namang magagawa kung hindj sumunid dahil buhay rin ang mamiligro dahil sa bagsik ng Delta COVID variant na umaatake ngayon sa Metro Manila.

Kung iisiping mabuti ang lohika sa granular lockdown, bentahe pa rin ito sa mas maraming taga-Metro Manila dahil ang hihigpitan na lamang ng mga otoridad ay ang isang lugar at hindi ang buong Metro Manila. Mas maliit ang kokontrolin, mas marami na ang makakakilos basta masigurong wala silang COVID virus sa kanilang paglabas ng kanilang tahanan.

Bago umangal ang mga kontra-pelo, bigyan natin ng pagkakataon ang granular lockdown at abangan kung nakakatulong ba ito o hindi sa ginagawang paglaban ng gobyerno sa COVID-19.

Ang sabi ng Inter-Agency Task Force at mga eksperto, kailangan ng buksan ang mga negosyo at hanapbuhay dahil mas maraming mamamatay sa gutom kapag nagkataon kung magpapatuloy ang dating sistema na malawakan ang lockdown sa Metro Manila.

Sabay-sabay tayong maghintay ng resulta hanggang 15 araw at saka natin sabihin kung epektibo o sablay ang aksiyong ito ng gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.