Abante Tonite Interactive

MetroExpress ni Villar may instant ruta sa LTFRB

412

Binigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng Certificate of Public Conveyance ang MetroExpress Connect ng pamilya Villar sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization program nitong Hulyo at agad nakuha ang isang ruta mula Las Piñas hanggang Pasay.

Sa LTFRB Resolution No. 189, inaprubahan ng board ng LTFRB ang pagibibigay ng CPC at provisional authority sa MetroExpress Connect Inc. ng mga Villar at ini-award nito ang rutang Diega Cera Avenue, Las Piñas na balikan sa Merville, Pasay sa natu­rang kompanya.

Inaprubahan ng LTFRB Board ang Re­solution at pirmado ni LTFRB chair Martin Delgra III at board members Engr. Ronaldo Corpus at P/Maj. Gen Antonio Gardiola Jr. noong July 17, 2019.

Noong pareho ring araw, inilabas din ng LTFRB ang Resolution No. 188 na nagbukas ng ruta na dadaan sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) papuntang Tanza sa ilalim ng PUVMP kung saan pinili din nito ang MetroExpress Connect ng mga Villar. Ang resolution No. 188 ay pirmado rin ni Delgra, Corpus at Gardiola.

Dalawang beses inisyuhan ng LTFRB ng basbas para sa rutang Tanza-PITX. Ang una ay noong July 3, 2019 sa ilalim ng Resolution No. 158 na pinirmahan naman ni Zona Russet Tamayo na OIC-chair noon, at ng mga LTFRB Board members Joel Bolano, Mark Cofino at Nida Quibic.

Matindi ang pagkainis ng mga commu­ters noon nang binuksan ang PITX nitong Nobyembre dahil pinupuwersa ng pamahalaan lahat ng public utility vehicles sa South ng Metro Manila na dumaan dito kahit walang sumasakay at bumababa.

Nagkaroon na lang ng mga pasahero dito nang pinalitan ng LTFRB ang ruta ng mga PUVs at inobliga ang karamihan na dumaan dito para kumita ang PITX.

Pinamahal nito ang pamasahe ng mara­ming deboto na nagsisimba sa Baclaran dahil hindi na rito dumadaan ang mga bus ga­ling south. (Eileen Mencias)