Abante Tonite Interactive

Mga Aeta binalasubas ng BCDA-Dizon

664

Umabot lamang sa P300,000 kada hektarya o P30 per square meter ang kabayaran ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na pinamumunuan ni Vince Dizon, dating tauhan ni House Speaker at Philippine Southeast Asian Games Organi­zing Committee (Phisgoc) Chairman Alan Peter Cayetano, sa mga Aeta na naapektuhan ng papatayo ng New Clark City sa Capas, Tarlac.

Kinuwestiyon ito ng mga netizen na mariing tinutulan ang pang-aapi ng BCDA sa mga Aeta.

Reaksyon ni Carly Rae Jopson, @daybergent, “Ganyan kaliit ang pagpapahalaga ng BCDA sa mayamang katutubong kultura ng mga Aeta. Bastos. Hambog. ‘Di ipinagbibili ang dignidad at karapatan nila!”

Sabi pa ni mayka, @maykamaykaba, “At first, they claimed that there are no Aetas affected by the New Clark City. But now, they give “compensation” to the lands of the Aeta. 30 pesos? Really? This is aside from the fact that they give an eviction notice one week before the event.”

Ang nasabing notice of eviction ay ibinigay ng BCDA noong Nobyembre 29, 2019 o isang araw bago ang pagbubukas ng Southeast Asian Games.

Laman ng liham na ito ang pagpapaalis sa mga Aeta na nakatira sa Brgy. Arunguren sa Capas sa loob lamang ng pitong araw kung hindi ay gigibain ang kanilang mga bahay at kakasuhan pa.

Ibinigay na dahilan ng BCDA ay kawalan umano ng Certificates of Ancestral Domain Titles ng mga Aeta na nakatira at nagsasaka sa nasabing lugar.

Ayon naman sa grupong Sandugo-Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self Determination, mayroon pang 500 pamilyang Aeta ang nananatili sa lugar. Mayroon na umanong ilan na napilitang umalis pero hindi pa nabibigyan ng kompensasyon.