Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga agri-smuggler makaporma kaya sa bagong administrasyon?

0 161

Bago matapos ang Duterte administration ay nabunyag sa Senado ang umano’y sindikato na nagpupuslit ng mga agricultural products sa bansa mula sa ibang bansa na naging dahilan para malugi ng milyon-milyong piso ang mga lokal na magsasaka ng gulay.

Hindi iilang beses na nakita sa social media ang mga nasisirang tone-toneladang gulay ng mga magsasaka mula sa Mountain Province dahil hindi nila ito mabenta sa tamang presyo kaya nabubulok na lamang at ang iba ay itinatapon na lamang dahil mabili sa mga palengke.

Ang dahilan: mas mura ang presyo ng mga imported na gulay na nanggagaling sa China gaya ng carrots, kamatis, sibuyas at iba pang pangunahing gulay na mayroon din sa bansa.

Sa ilalim ng batas, bawal ang mag-import ng fresh agricultural products pero hindi ito umubra sa mga sindikato dahil malaya at namamayagpag ang mga ito sa pagpupuslit ng mga agri-products mula sa China.

Wala bang ngipin ang batas o sadyang pinapurol ito ng mga dating nakaupo sa gobyerno dahil tila hindi naririnig at hindi napapansin ang hinaing ng mga local vegetable farmers na nalugi ng milyon-milyon sa kanilang produkto?

Maging ang dating kalihim ng Agrikultura ay tila walang nagawa sa talamak na smuggling ng agri-products at ang pahayag lang ay iniimbestigahan ang mga sangkot dito.

SM food to go Banner Ad

Ngayong bago na ang administrasyon at mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang hahawak at mangangasiwa sa Department of Agriculture, nakaabang at naghihintay ang mga magsasaka kung ano ang gagawin nito para matigil ang agri-smuggling na pumapatay sa kanilang kabuhayan.

Ilang mga opisyal sa Bureau of Customs at sa Department of Agriculture ang nakaladkad ang mga pangalan at isinangkot na umano’y mga protector ng sindikato na itinanggi ng mga ito.

Lumitaw din sa listahang isinumite sa Senado ang mga negosyanteng nasa likod ng agri-smuggling na pamilyar ang mga pangalan at nakaladkad na rin noon sa kontrobersiya sa smuggling ng bigas, at tila ba nagpalit lang ng mga produkto pero smuggling pa rin ang lakad ng mga ito.

Nasa kamay ngayon ni Pangulong Marcos ang malaking hamon kung kaya ba nitong durugin at walisin ang mga sindikatong pumapatay sa kabuhayan ng maraming magsasaka.

Mismong ang kapatid na senador ng Pangulo na si Senadora Imee Marcos ang nagsabi na nais nitong makitang makasuhan at maparusahan ang mga agri-smugglers sa loob ng 100 araw ng Marcos administration kaya ito ang abangan natin, kung mayroon bang magagawa ang Presidente at kung kaya ba nitong durugin ang mga sindikatong nagpapahirap sa mga magsasaka.

At sana magsulong ang bagong Presidente ng panukalang batas sa pamamagitan ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso para sa mas mabigat na parusa laban sa smuggling sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.