Abante Tonite Interactive

Mga ahas sa gobyerno

By
552

Kamakailan ay inihalintulad ni Pope Francis ang mga nasa likod ng mga fake news sa ahas sa Garden of Eden na siyang dahilan ng pagkakasala ni Eba at Adan.

Hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo problema ang mga nagpapakalat ng fake news. Tulad ng ahas sa Garden of Eden, ang mga nagpapakalat ng fake news ay gumagamit ng mga kasinungalingan upang lokohin ang taumbayan at ipilit ang kanilang mga pansariling interes.

Kailangang magkaisa ang mga nasa panig ng katotohanan na labanan ang mga nagpapakalat ng fake news. Mahalaga ang papel ng gobyerno sa labang ito.

Ang gobyerno ay may kapangyarihan at resources para sugpuin ang mga ‘ahas’ na nagpapakalat ng mga maling impormasyon. Subalit, mukhang hindi natin maaasahan na kikilos ang administrasyong Duterte para sugpuin ito dahil mismong mga opisyales nito at mga supporters ang nagpapakalat ng fake news.

Nasa loob pa ng Malacañang ang isa sa mga nagkakalat ng fake news. Sa katunayan, mismong ang Pangulo nga ang nagbibitaw ng mga fake news at kasinungalingan.

Hindi maiwasang isipin na kinukunsinti pa ng administrasyon ang mga nasa likod ng mga fake news na ang layunin ay manira ng kanilang mga kritiko at mga pumupuna sa kanilang mga maling polisiya.

Walang ibang matatawag sa mga nagpapakalat ng fake news kundi mga ahas na ang nais lamang ay linlangin ang taumbayan. Kung hindi natin maaasahan ang gobyerno para labanan ito, ang hamon ay nasa taumbayan.

Tayong lahat ay dapat maging maingat sa ating mga naririnig at binabasa. Huwag mabalot sa pagiging panatiko, bagkus ay maging matalino at kritikal.

Sa ngayon, marami ang nais manlinlang para lamang makakuha o manatili sa puwesto. Kung tayo ang magiging bulag at bingi, ang buong bansa natin ang talo sa huli habang ang mga ahas ay mananatili sa kapangyarihan.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa:
Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com
FB: /Rep.AlejanoMagdalo