Abante Tonite Interactive

Mga alamat, lilitaw sa Mobile legends: Bang, Bang Season 3

498

Magpapatuloy ang labanan ng mga alamat sa pagsasama-sama ng pinakamagagaling na koponan sa muling pagsambulat ng 3rd Mobile Le­gends: Bang Bang Professional League – Philippines 2019.

Papailanlang ang pinakaunang inorganisa at pinakamalaking propesyonal na liga sa Mobile Legends: Bang Bang sa Pilipinas makaraang ang matagumpay na 2nd Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines 2018.

Ikinatuwa ng mga gamer ang pagsasagawa ulit ng bagong MPL-PH season matapos ang maigting na huling edisyon ng kampeonato kung saan sinilat ng underdog na Cignal Ultra ang tournament favorite na BREN Esports.

Ang Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 3 ay isang lingguhan na MLBB na torneo tampok ang pinakamagagaling na games sa bansa.

Paglalabanan sa liga ang kabuuang US$100,000 na premyo kung saan iuuwi ng overall champion ang pinakamalaking parte na $25,000.

Maglalaban-laban sa torneo ang mga koponan na direktang inimbitahan na Cignal Ultra, BREN Esports, SG Dragons na dating Finesse Solid, Evos PH na dating SXC Imba, ang Aether Atlas na dating Aether Main at Execration.
Nakapagkuwalipika naman ang mga koponan na No Limit, Finesse Phoenix, Arkangel na dating ArkAngel Wicked Minds at Arkangel Ownage.

Ang manlalaro na tatanghaling “legendary” sa lahat ng mga leg ang tatanghaling Regular Season MVP na may tatanggapin ding cash bonus. Karagdagan sa liga maliban sa pakikipagkompetensiya ang silya sa mas malaki na labanan sa grand finals.

Ang mga “Warrior” na makakatuntong sa grand finals ay may tsansang lumaban para sa dalawang pinakamagaling na koponan na uusad sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2019 (MSC-2019) sa Pilipinas pagkatapos naman ng MPL-PH Season 3.

Ang internasyonal na torneo ay katatampukan ng pinakamagagaling na koponan mula sa host Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore, Myanmar, Thailand, Vietnam, Cambodia, at Laos.