Abante Tonite Interactive

Mga anak grinipuhan ng bangag na erpat

341

Gunting tinarak sa leeg

Sugatan ang magkapatid na bata makaraang saksakin ng gunting ng kanila umanong nakadrogang tatay kamakalawa sa Bacolod City.

Sa kasalukuyan ay patuloy na nilalapatan ng lunas ang mga batang biktima na nasa edad dalawa at tatlo sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.

Nadakip naman ang suspek na si Elmer, ama ng mga biktima na sinasabing gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at taga-Brgy. Banago, Bacolod City.

Sa ulat ng Police Station 3 ng Bacolod City Police Office, naganap ang insidente dakong alas-6:45 nang umaga kamakalawa nang bigla lamang magalit ang suspek at saksakin sa leeg ang dalawang bata.

Kuwento ng ina ng mga paslit, nagluluto siya ng almusal at nagtitimpla ng gatas nang marinig nito ang iyak ng kanyang mga anak.

Nang puntahan, dito niya nakita ang asawa na hawak ang gunting at pinagsasaksak sa leeg ang dalawang anak.

Mabilis namang isinugod sa ospital ang mga bata na nasa ligtas ng kalagayan.

Samantala dinakip naman ng mga rumespondeng kagawad ng pulisa ang suspek na sinasabing nasa impluwensya pa ng iligal na droga.

Desidido ngayon ang ina ng mga biktima na kasuhan ang asawa. (Edwin Balasa)