Abante Tonite Interactive

Mga anak ingatan sa sakit na polio

433

Hindi pa man natatapos ang problema sa dengue outbreak sa bansa ay may panibagong babantayan na namang sakit ang Kagawaran ng Kalusugan, partikular ang sakit na polio.

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang muling paglutang ng sakit na polio sa bansa matapos ang 19 na taong nai­deklara ang Pilipinas na polio-free ng World health Organization (WHO) kaya naman naglabas agad ang ahensiya ng babala dahil sa mataas na banta ng poliovirus transmission o pagkalat ng virus.

Kabilang sa mga dapat bantayan ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang mga sintomas gaya ng lagnat, pagkapagod o panlalata, pananakit ng ulo, pagsusuka, stiff neck at biglaang panghihina ng mga kamay at paa dahil maaaring magresulta ito sa pagkaparalisa o kamatayan.

Hindi kailangang maalarma sa muling pag-usbong ng sakit na polio subalit mas mainam pa rin ang pag-iingat para mai­ligtas ang mga bata sa nabanggit na sakit.

Ayon sa DOH, mahalagang isailalim sa multiple dose ng polio vaccine o bakuna ang mga anak na may edad lima pababa para makasigurong maligtas sila sa sakit dahil ang polio ay walang gamot; ito ay nakakahawa at ang tinitira ay ang nervous system o utak ng isang tao.

Mahalaga rin ang kalinisan o personal hygiene kaya pinapayuhan ng DOH ang publiko na gawing regular ang maayos na paghuhugas ng kamay, maayos na paggamit ng palikuran, tiyaking malinis at ligtas ang iniinom na tubig at higit sa lahat, lutuing mabuti ang kinakain araw-araw.

Aminado ang DOH na bumaba ang bilang ng mga nagpabakuna ng anti-polio nitong nakalipas na taon dahil na rin sa takot ng mga magulang sa kontrobersiyang idinulot ng Dengvaxia vaccine, kaya naman umaapela ang gobyerno sa mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak.

Ilulunsad ng ahensiya sa susunod na buwan ang synchronized oral polio immunization program para mapigilan ang pagkalat ng polio outbreak na maaaring magparalisa sa mga bata kaya nga­yon pa lamang ay dapat na abangan ng publiko lalo na ang mga may anak na mga bata pa.

Isipin na lamang ang mga masisirang pa­ngarap at buhay ng mga bata kapag tinamaan sila ng polio dahil kahit makaligtas man sa kamatayan, ang epekto nito ay habambuhay na kalbaryo sa mga biktima.