Abante Tonite Interactive

Mga appointee, prosecutor pinangalanan ni Digong sa korapsyon

By
1,578

Isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga appointee at ilang miyembro ng hudikatura na iniimbestigahan dahil sa isyu ng katiwalian. Sinabi ng Pangulo na sinuspende rin ang mga binanggit na opisyal habang ginagawa ang imbestigasyon ng Presidential Anti-Crime Corruption (PACC).

Kabilang sa mga pinangalanan ng Pangulo ay sina Atty. Ambrosi Basman, Atty. Rohani Basman, Amisa Himlomontod, dating Marawi City Mayor Amelquer Macabando, Department of Justice prosecutor Atty. Samina Sampaco Macabando Usman, at Pasay City officer-in-Charge Prosecutor Atty. Benjamin B. Lanto.

Kasama rin sa sinuspende habang iniimbestigahan ay sina Inquest Prosecutor Clemente Villanueva, Assistant Prosecutor Florencio Dela Cruz, NAIA District Collector Ramon Angkilan, NAIA-CISS Director Adzar Albany, Butch Ledesma na nakatalaga sa NAIA at Customs Operations Officer Lomontod Macabanto.

Sinabi ni Pangulong Du­terte na ibibigay niya sa Ombudsman ang trabaho dahil gusto niyang ang nabanggit na ahensiya ang maghain ng kaso sakaling mapatunayang may basehan ang pagkasuspende ng mga ito batay sa mga natanggap na reklamo ng PACC.

“Suspended sila lahat ngayon pending investigation. Lahat ito ifo-forward ko sa Ombudsman. Mas gusto ko ang Ombudsman para walang masabi,” anang Pangulo.

Pinangalanan din ng Pa­ngulo sina DOJ Assistant Secretary Musliman Macarambon at DPWH Assistant Secretary Tinangun Umpa na naunang pinag-resign noong Martes dahil sa isyu ng katiwalian.