Abante Tonite Interactive

Mga armas ng NPA nahukay sa Batangas

437

Dalawang malalakas na kalibre ng baril na hinihinalang ibinaon ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nahukay ng mga sundalo habang nagsasagawa ng intelligence operation nitong Linggo sa Barangay Piña, Taysan, Batangas.

Ayon kay Brig. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., bagong commander ng 2nd Infantry ‘Jungle Fighter’ Division (2ID) sa Calabarzon, isinagawa ang intelligence operation kaugnay na rin ng naganap na sagupaan sa pagitan ng 1st Infantry Battalion at NPA sa San Juan, Batangas noong Abril 28.

Hinala ni Burgos na ibinaon ng mga miyembro ng NPA ang kanilang mga armas na M16 rifle bago tumakas sa sagupaan.

Inihayag naman ni Col. Alex Rillera, commander ng 202nd Brigade na nakatanggap ng impormasyon ang mga tropa ng 1st Infantry Brigade mula sa mga concerned citizen na may ibinaon na mga armas ang rebeldeng grupo sa Sitio Gabihan ng Brgy. Piña.

Nabatid na kabilang sa mga nahukay ng mga tropa ng gobyerno ay M16 Bushmaster at isang M16 rifle na pinaniniwalaang armas ng mga miyembro ng NPA Southern Tagalog Regional Party Committee Platoon Silangan. (PNA)