Abante Tonite Interactive

Mga artista, Politiko nasa phonebook ng Indian Pusher

Pati video hawak na ng PDEA

By
3,241

Kusa nang pinasusuko ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga showbiz persona­lity at fashion model, mga politiko at mga anak ng mayayamang pamilya na sinasabing mga kostumer ng isang Indian national na naaresto sa buy-bust operation sa Alabang, Muntinlupa City.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang mga nasabing personalidad ay nakuhanan sa surveillance video na pumasok sa bahay ng suspek na si Rajiv Gidwani sa Alabang Hills bago nila ito naaresto para bumili ng droga habang ang iba aniya ay doon na mismo bumabatak.

Bukod sa surveillance video, nakita rin umano nila ang mga pangalan at mga number ng mga naturang personalidad sa phonebook ng cellphone ni Gidwani.

“Huwag na nila hintayin na maaktuhan at bitbitin pa namin sila dahil kahit mag-lie-low muna sila ngayon dahil sa pagkakahuli kay Gidwani ay hindi namin sila tatantanan na i-surveillance,” giit ni Aquino.

Sinabi pa ni Aquino na ilan sa mga nakita nila ay mga kilalang artista na napakahinhin aniya sa harap ng telebisyon pero nagdo-droga pala.

Pero tumanggi ito na pangalanan kung sino ang mga perso­nalidad na kanilang nakita sa surveillance video at sa phonebook ni Gidwani para hindi aniya masunog ang mga susunod pa nilang operasyon.

Kabilang aniya sa mga ibinebenta ni Gidwani sa mga sikat at mayayamang kliyente ay ecstasy tablet, high-grade marijuana at iba pang party at sex orgy drugs.

Siniguro rin ni Aquino na patuloy ang kanilang case build-up at monitoring laban sa mga pinaniniwalaang kliyente ni Gidwani.

May dalawang buwan din umano nilang isinailalim sa surveillance ang bahay ni Gidwani bago ikinasa ang buy-bust operation dakong alas-6:45 ng gabi noong Mayo 25, Biyernes.