Abante Tonite Interactive

Mga bakwit sa Batangas nganga! Face mask sa Metro pinakyaw

486

Nagkaubusan na ng mga face mask sa mga botika sa Parañaque, Las Piñas, Maynila, Alabang at ilan pang lugar sa Metro Manila kahapon.

Out of stock na rin ang mga N95 mask sa ilang mga supplier sa mga online shop.

Ang N95 face mask ang rekomendado ng Department of Health (DOH) na gamitin kaugnay ng pananalasa ng ashfall na dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal dahil nasasala nito ang mga abo kapag humihinga para hindi magkaroon ng sakit sa baga.

Ang mga surgical mask na mataas na rin ang demand dahil nagkaubusan na ng N95 ay biglaan ding nagmahal kung saan ang pres­yo ay umabot ng P200 hagggang P500 kada isang piraso gayong ang orihinal na presyo nito ay aabot lamang sa P30 hanggang P40 bawat piraso.

Sa lalawigan ng Quezon, inireklamo ng netizen na si Paloma Isaac Vargas na sumipa na sa P35 ang isang piraso ng surgical mask na dati’y nasa P2 lamang ang bawat isa.

Bunsod nito, nagkaroon din ng shortage ng face mask sa Batangas kung saan halos 30,000 residente ang inilikas dahil sa makapal na abo na iniluwa ng bulkan.

Marami sa mga residente na nananatili sa mga evacuation center ay nangangailan ng face mask dahil sa patuloy na ashfall gayundin ang masangsang na amoy ng pulbura at asupre sa paligid. At dahil wala nang mabili sa Batangas at mga kalapit na lugar, tila sinisi ang nangyaring hoarding o pamamakyaw ng ilang oportunisang negosyante sa Metro Manila sa mga face mask para maibenta ng mas mahal at pagkakitaan.

Inutos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOH na mamigay ng mga face mask sa mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Taal.

Aniya, parurusahan ang sinumang mapapatunayang nagsamantala sa sitwasyon para pagkakitaan ang mga face mask, makaraang magkaubusan sa Batangas at Metro Manila.

Ayon kay House Assistant Majority Floor Leader Niña Taduran, kinatawan ng ACT-CIS, nakarating sa kanya ang impormasyon na ilang tindahan ang nagbebenta ng P200 hanggang P500 kada isang N95 face mask.

“There are several individuals who are ra­king in immense profit after hoarding the masks and selling them online,” sabi ng mambabatas.

Iminungkahi na rin ni Trade Secretary Ramon Lopez sa mga botika at tindahan na limitahan ang pagbebenta ng face at gas mask kada customer upang mapagbigyan ang mas mara­ming mamamayan.

Tiniyak naman ng Mercury Drug na uunahin nilang bigyan ng face mask ang mga naapektuhang residente ng pagsabog sa sandaling magkaroon na uli sila ng stock nito sa mga susunod na araw.

***

Exodus ng mga residente

Sa panayam ng Abante Digital Team kay Batangas Vice Governor Mark Leviste, sinabi nitong umiiral na ang force evacuation sa mga residente sa Talisay.

“‘Yung mga taga-Talisay, karamihan sa kanila ay nag-evacuate in nearby Tanauan City and Sto. Tomas City. Ang ibang bayan ay sa ibang lugar din, halimbawa ang Agoncillo lumipat sa Lemery, Calaca, as far as Balayan,” sabi ni Leviste sa panayam ni Trina Martinez, Abante reporter.

Dagdag pa ng bise gobernador, marami rin sa mga residente ang lumabas ng lalawigan, “Tumawag po sa akin ang Alfonso, Cavite at mayroon na raw na 1,000 evacuees doon mula sa lalawigan ng Batangas Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, aabot na sa 24,000 residente sa Batangas ang apektado.

***

Bayanihan hinangaan

Bagama’t may ilan diumanong nanamantala sa presyo ng face mask at N95 mask na kailangan bilang proteksyon sa delikadong abo na galing sa bulkan, may ilang kuwento ng kabutihan ang hinangaan sa social media.

Ilan sa mga ito ang mga residente na hindi apektado ng pagsabog ang tumulong sa mga lumikas. Kabilang dito ang naispatan ng Abante team, na namimigay ng libreng tubig.

Bukod dito, Linggo pa lang nang hapon nang kumalat sa social media ang larawan at video ng pamilya ni Juan Carlo De Vela, photojournalist ng Manila Bulletin. Hinangaan sila dahil sa ginawang pagbuhos ng tubig sa windshield ng mga sasakyang dumadaan sa Tagaytay City. Dahil kasi sa abo, halos wala nang makita habang nagmamaneho.

Mayroon ding karinderya ang nagbukas ng kanilang pinto para sa mga bakwit. Sa post ni Angel Efryl Castillo, nag-alok sila ng libreng pagkain para sa mga apektado ng sakuna.

Bisitahin ang website at mga social media account ng Abante TONITE para sa iba pang ba­lita. (Eileen Mencias/Prince Golez/ Juliet de Loza-Cudia/JC Cahinhinan)