Abante Tonite Interactive

Mga bangko, pera padala center bukas pa rin

503

Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine National Police (PNP) na tuloy pa rin ang serbisyo ng mga bangko at remittance center sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine na layuning pigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa.

Inihayag ito nina DFA Undersecretary Brigido `Dodo’ Dulay at PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar sa Laging Handa Public Briefing, isang programa ng pamahalaan para mabigyan ng kaalaman at impormasyon ang publiko hinggil sa mga ginagawang hakbang para matugunan ang state of public health emergency bunga ng COVID-19.

Isang overseas Filipino worker (OFW) ang nagtanong sa programa kung ano ang ginagawa ng pamahalaan para matulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na makatanggap ng remittance o padala ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

“Hindi naman tumigil ang pagtakbo po ng negosyo at kalakalan sapagkat doon po sa aming task force meeting isa po `yan banking sector at financial services sector na tuloy po ang serbisyo,” sagot ni Usec Dulay.

Ang nakikita lang na problema ni Dulay hinggil dito ay ang pisikal na pagpunta sa mga remittance center para kunin ng kanilang kapamilya ang perang padala ng OFW.

Sa panig ni Eleazar sinabi nito na kasama ang mga nagtatrabaho sa mga remittance center sa mga “authorized person” na puwedeng lumabas dahil sa kanilang trabaho.

“Puwede kayong pumunta doon, in fact, itong mga establishment na nabanggit ni Usec Dodo ito po `yong mga establishment na ang mga empleyado nila ay puwedeng nasa labas ng bahay. Ibig sabihin from their place of work to their residence and vice versa,” ayon pa kay Eleazar.