Abante Tonite Interactive

Mga barangay official sa narco-list kasuhan bago isapubliko

Para walang kawala

1,196

Nananawagan si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kasuhan ang mga opisyal ng barangay na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

Ayon kay Barbers na chairman ng House committee on dange­rous drugs, puwedeng kasuhan muna ang mga ito bago ilabas ang barangay narco-list.

Nitong Linggo ay inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa napapanahon na isapubliko ang barangay narco-list.

Pero muling iginiit ni Barbers na dapat ilantad sa samba­yanan ang pangalan ng mga politiko na dawit sa negosyo ng bawal na gamot lalo na kung may malakas na ebidensiya laban sa mga ito.

“Matagal na na­ming panawagan ‘yan sa committee on dangerous drugs na ilathala o ilabas ang mga pangalan ng mga opis­yal ng gobyerno, hindi lamang ng barangay kundi kasama na diyan ‘yung ating matataas na opisyal, mayor, governor, congressmen o kung sino man na mayroong sapat na ebidensiya,’ pagbibi­gay-diin ni Barbers.

Hiniling din ng kongresista sa consultative committee na pinamumunuan ni retired Chief Justice Reynato Puno na isama sa binabalangkas na pag-am­yenda sa Konstitusyon ang probisyon na magpapahintulot para maisalang sa mandatory drug test ang lahat ng mga kumakandidato sa eleksiyon, mapa-lokal man o national.

Naniniwala si Barbers na makakatulong ito sa paggiba ng tinatawag na narco-politics.

Iminumungkahi rin ng solon na dapat ay masaklaw ang lahat ng opisyal ng gobyerno sa mandatory drug tes­ting sa binabalangkas na bagong Saligang Batas.

“It can also be considered habang ginagawa natin itong proposed (bagong) Constitution under the Charter change. Maaaring makaisip din po ng paraan kung papaano po natin magagawang mandatory itong drug testing sa mga opisyales ng gobyerno,” sabi ni Barbers sa isang panayam kahapon.