Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga barangay sa Maynila, QC ni-lockdown

0 313

Isasailalim sa limang araw na localized lockdown ang tatlong barangay sa Maynila dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Mayor Isko Moreno sa kanyang anunsiyo sa Facebook Live Martes ng hapon, kabilang sa ila-lockdown ang Barangay 351 sa San Lazaro, Tayuman, matapos na makapagtala ng 12 kaso ng COVID-19, gayundin ang Barangay 725 sa Malate na nasa 14 ang kaso.

Isasarado rin ang Bayview Mansion at Hop Inn Hotel na sakop ng Barangay 699 sa Malate.

Gayunman, nilinaw ni Moreno na ang mga naturang hotel lamang ang ila-lockdown at hindi ang buong barangay matapos na makapagtala ng 17 kaso ng COVID-19.

Nabatid na sisimulan ang lockdown ng alas-12:01 ng hatinggabi ng Marso 11, Huwebes, hanggang alas-11:59 ng gabi ng Marso 14, Linggo.

Muli ring ipatutupad ang paggamit ng quarantine pass para sa mga residente sa mga naturang barangay.

Samantala, inihayag naman ni Mayor Joy Belmonte na pinalawak pa nila ang “special concern lockdown” sa Barangay West Kamias sa Quezon City upang masakop ang karagdagang 12 pamilya sa lugar na may nagpositibo sa COVID.

Marso 3 ni-lockdown sa K-9th Street matapos na may tatlong residente ang nagpositibo sa virus. Ngayon ay itinuturing na umanong `hotspot’ ang nasabing compound kung saan may 27 pamilya ang nangungupahan.

Maliban sa Barangay West Kamias, 11 isa pang lugar ang isinailalim sa localized lockdown sa iba’t ibang barangay sa Quezon City. (Juliet de Loza-Cudia/Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.