Abante Tonite Interactive

Mga barko, PICC, hotel gagawing quarantine facility

388

Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kinakapitan ng coronavirus disease 2019 o COVID-19, gagamit na rin ang gobyerno ng mga barko para maging floating quarantine center.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na inatasan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga pangunahing ahensiya ng gobyerno at mga local government unit (LGU) na bilisan ang pagtukoy ng mga pasilidad para maging quarantine at isolation area.

Pangungunahan aniya ng Department of Transportation (DOTr) ang paghahanap ng mga barko na magsisilbing floating quarantine center.

Matatandaang marami nang ospital ang nagpahayag na hindi na nila ma-accommodate ang dumaraming bilang ng mga OVID-19 patient kung kaya nabuo ang Resolution No. 16 ng IATF para sa paghahanap ng mga bagong pasilidad sa quarantine.

Bukod sa DOTr, kumilos na rin ang Department of Tourism (DOT) para maghanap ng mga hotel at iba pang establisimiyento na magsisilbing quarantine facility.

Sinabi ni Nograles na ang Bureau of Quarantine ang magsasabi kung ang mga napiling establisimiyento ay papasa sa pamantayan bilang quarantine facility.

Bukod sa mga barko, kabilang pa sa mga pasilidad na kinokonsidera para maging quarantine ay ang Philippine International Convention Center (PICC), World Trade Center, Rizal Memorial Sports Complex at iba pa. (Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad