Abante Tonite Interactive

Mga bata ni Duterte bubuo ng bagong bloc sa Senado

398

Niluluto na umano ang panibagong bloc sa Senado na binubuo ng mga senador mula sa iba’t ibang partido.

Ito ang pinahayag ni Senator-elect Francis Tolentino kasabay ng pahayag na ang bagong bloc ay bubuuin ng pinagsanib na puwersa ng Hugpong ng Pagbabago, PDP-Laban at mga miyembro ng Nacionalista Party.

Sa bilang ni Tolentino, nasa siyam ang magiging miyembro ng naturang bloc.

Bukod kay Tolentino, kinabibilangan ito nina Senator-Elect Bong Go, Bato dela Rosa, Bong Revilla, Pia Cayetano at Imee Marcos.

Kasama rin sina Senator Koko Pimentel, Manny Pacquiao at Cynthia Villar.

Dahil dito, nagkaroon umano ng usapin ukol sa posibleng paghamon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto.

Sa kasalukuyang rule, 13 senador ang kailangan upang makuha ang liderato ng Senado.

Pero para kay Sotto, bukas ito sa mga bagong grupo sa Senado dahil mas makabubuti anya ito para sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin.

Sa ngayon, wala pa aniyang nakakarating o nagpaparating sa kanya ng interes na laba­nan siya sa kanyang posisyon.

Samantala, itinanggi ni Pimentel ang pahayag ni Tolentino at iginiit na wala pa umanong pag-uusap kaugnay sa panibagong bloc at Senate leadership.

“I have no idea what Francis is talking about,” saad ni Pimentel. (Dang Samson-Garcia)