Abante Tonite Interactive

Mga bata nina JV, Jinggoy nagsapakan

By
0 269

Inaasahang lalo pang titindi ang tensyon sa pagitan ng magkapatid na Senador JV Ejercito at dating Senador Jinggoy Estrada matapos ang marahas na engkuwentro ng kanilang mga tauhan habang dumadalo sila sa proclamation rally ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa Legaspi City kahapon.

Ayon sa mga nakasaksi, nauna ang aide ni Estrada na manita sa staff ni Ejercito kung kaya’t sumiklab ang gulo sa pagitan ng mga kampo ng mga anak ni Manila Mayor Joseph Estrada.

Kasama umano ng staff ng incumbent senador ang kanilang principal habang naglalakad sa likod ng Albay Astrodome nang masalubong nila ang mga political officer ng dating senador.

Bigla umanong sinita ng isa sa mga tauhan ni Estrada ang staff ni Ejercito na dating nagtrabaho sa kanila pero lumipat ngayong buwan sa bakod ng huli bilang volunteer.

Nag-init umano ang ulo ni Ejercito nang malaman ang ginawa sa kanyang staff kaya’t kinompronta niya ang aide ni Estrada at pinagalitan.

Dito na umano nagsimulang mag-insultuhan at magpalitan ng maanghang na salita ang dalawang kampo hanggang sa suntukin ng volunteer ni Ejercito ang tauhan ni Estrada na pumutok ang mga labi.

Hindi kinukumpirma ng dalawang panig ang nangyaring encounter.