Abante Tonite Interactive

Mga batang siga sa Dimasalang

By
641

Gabi-gabi ay problema ng mga opisyal ng barangay ang mga batang siga sa lansa­ngan sa kahabaan ng Dimasalang street sa Lungsod ng Maynila dahil sa pagiging tigasin ng mga ito at walang takot sa batas.

Pagsapit ng alas-sais nang gabi ay umpisa na ang mahabang oras na kalbaryo kapag ang isang motorista ay nagawi sa Dimasalang street dahil sa matin­ding traffic dulot ng mga batang siga.

Ang mga batang ito ang kumokontrol sa daloy ng mga sasakyan, hindi para makatulong kundi para mamerwis­yo sa mga malalaking truck na hinihingan ng pera kapalit ang pagpapadaan sa mga ito sa lugar.

Ilang beses nang inireklamo sa mga opisyal ng barangay at maging sa Manila Police District ang mga batang siga subalit tila hindi kaya ng mga awtoridad.

Sapilitan kung humi­ngi ng barya ang mga batang siga sa mga truck na dumaraan sa lugar at may hawak na pamalo na ipinanghahataw sa gilid ng truck kapag tumangging magbigay ng pera ang mga ito.

Pati mga pribadong sasakyan ay nahihi­ngan lalo na kapag bukas ang bintana kaya maraming mga motorista ang umiiwas dumaan sa Dimasalang kapag gabi dahil sa takot na mahataw o makiskis ng tansan ang kanilang mga sasakyan.
Nagtataka ang ilang residente kung bakit hindi masuheto at tila hindi mabigyan ng leksiyon ang mga batang siga na ito sa kabila ng ilang beses nang ini­rereklamo ang mga ito.

Katuwiran ng mga tagabarangay, mabilis umanong makatakbo ang mga batang siga kapag hinahabol na ang mga ito o kaya naman ay lumalaban at nagpapaulan ng mga bato.

Kailangan na sigurong kumilos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), MPD at mga opisyal ng barangay para matigil ang pamemerwisyo ng mga batang siga na puro menor de edad sa mga motorista dahil kapag pinabayaan ay makakalakihan ang maling ginagawa.

Tila ba sila ang may-ari sa kalsada na pinagkakakuwartahan para sa kanilang bisyo.
Hindi na ang mga ito ang ehemplo ng kabataan na sana ay magiging pag-asa ng bayan dahil sila na mismo ang pahirap sa bayan.