Abante Tonite Interactive

Mga biktima ng rape, ‘wag sanang insultuhin

By
159

Kalunos-lunos na ang nangyari sa mga kababaihan na biktima ng pag-abuso at panghahalay.

Ang hirap at pasakit ng mga rape victim ay lalo pang dinagdagan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanyang pang-iinsulto o maaring biro.

Maituturing na pani­bagong “rape joke” ng Pangulo ay ang pagsasabing marami kasing magagandang babae sa Davao City kaya marami ang nabibiktima ng rape.

Sa halip na damayan ng Pangulo ang mga rape victim ay tila ininsulto pa ang mga ito.

Batay sa datos ng Philippine National Police, ang Davao City na siyang Home town ng Pangulo ang na­ngunguna sa listahan na may pinakamaraming kaso ng rape.

Ang panibagong pahayag ng Pangulo sa isyu ng kaso ng rape ay binatikos na ng ilang grupo maging ng mga militanteng kongresista.
Parang pinalalabas ng Pangulo na kasalanan pa ng mga rape victim na sila ay maganda kaya hinalay o na-rape.

Sana naman ay sa halip na insultuhin ng Pangulo ang mga rape victim na nagpadagdag sa kanilang paghihirap ay magbigay ng katiyakan ng hustisya sa mga biktima.

Dapat ay ipatugis ng Pangulo ang mga rape suspect at sampolan ang mga ito na makukulong o mapapatay ng mga pulis.

Kung totoong biro o rape joke ito ng Pa­ngulo pero napakasensitibo ng usapin na dapat ay kalingain ang mismong biktima at mga kaanak upang maalpasan ang trahedyang sinapit ng rape victim.

Dapat ay alamin din ng PNP kung bakit tumataas ang rape cases sa Davao City na nangunguna sa listahan at kung ang mga suspect ba ay nasa impluwensiya ng alak o iligal na droga.

Kadalasan kasi na ang mga nanghahalay ay nasa impluwensiya ng alak o iligal na droga at marapat na agad lutasin ng PNP ang nasabing kaso para sa hustisya ng mga biktima.