Abante Tonite Interactive

Mga bitak hudyat ng super putok

754

Aminado ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang nakikitang mga bitak sa lupa sa ilang lugar sa Batangas na nasa loob ng 14 kilometrong danger zone ng Bulkang Taal ay indikasyon na posibleng may magaganap na hazardous explosive eruption na inihaham­bing sa atomic bomb explosion anumang araw o oras.

Nanatili sa Alert Le­vel 4 ang Taal na ang ibig sabihin ay ‘hazar­dous explosive eruption is possible within hours to days’.

“Siguro ang closest na puwede nating ihambing sa malakas na pagputok ng Taal ay isang ato­mic bomb explosion ‘yung hitsura niya, hindi ‘yung energy,” sabi ni Phivolcs Volcano Monitoring Division chief Ma. Antonia Bornas.

“Ang hinuhudyat nu’ng malalakas na lindol at fissuring na nangyayari ngayon sa Batangas ay mayrooon po ta­yong malaking volume ng magma na ini-intrude sa edifice at maaari po itong iputok bilang isang malakas na eruption,” paliwanag ni Bornas.

Nabatid na noong pagputok ng Taal noong 1911 ay matapos ang mga nakitang fissure o bitak ay nagkaroon ng malakas na pagsabog at kasabay nito ang pagguho ng lupa.

“Ngayon, hindi pa po masyadong humihiwalay ‘yung lupa pero noong 1911 ang nangyari po after ng malakas na pagputok, lumubog pa ‘yung lupa diyan. Fissu­ring muna before the large eruption and then lumubog,” paliwanag nito.

Ayon kay Bornas sa ngayon ay hindi pa humihiwalay ang lupa at maituturing na hindi pa ito masyadong mapa­nganib, masasabi umano na mapanganib na ito at hindi na maaaring daanan kung mas lalo pang lumawak.

May mga bahay na ring nasira dahil sa mga bitak dulot ng sunod-sunod na lindol sa Batangas.

Ang bitak na indikasyon na may aktibong aktibidad sa ilalim ng bulkan ay nagsisilbi rin umanong vent kaya maaari na sa mga susunod na oras o araw ay makakitaan na rin ito na may lumalabas na steam o mga chemical compound.

Ang mga bitak ay nakita sa Barangay Sinisian, Mahabang Dahilig, Dayapan, Palanas, Sangalang at Poblacion sa bayan ng Lemeryn; Barangay Pansipit sa Agoncillo; Poblacion 1, Poblacion 2, Pob­lacion 3 at Poblacion 5 sa Talisay; at Poblacion sa San Nicolas.

Ang kalsada na kumokonekta sa Agoncillo patungong Laurel, Batangas ay nakitaan na rin ng malaking bitak.

Total lockdown sa Talisay

Ipinatupad na kahapon ang total lockdown sa buong Talisay, Batangas ayon na rin sa utos ni Mayor Gerry Natanuan.

Ayon kay Batangas MPS chief Capt. Aldrin Jay Baysa, bawal na ang mga residente na pumasok sa Talisay upang maiwasan na magkaroon ng pahirapang rescue sakaling tuluyan nang sumabog ang bulkan.

‘Wag magkampante Sa nakalipas na 24 oras ay patuloy ang aktibidad ng Taal kung saan 212 volcanic earthquakes pa ang naramdaman na may lakas mula Intensity 1 hanggang 5, nasa 40 lava fountains na may taas na 500 meters na naitala na nagdulot ng heavy ashfall sa mga kalapit na bayan.
Ayon kay Solidum, bagama’t bahagya nang humina ang ashfall ay hindi nangangahulugan na papayapa na ang Bulkang Taal, nanatili umanong nakataas ang Alert Level 4 na nanga­ngahulugang anumang oras ay maaaring magkaroon ng malakas na pagsabog.

Muli, ang babala ni Solidum sa mga residente ay manatili sa mga evacuation area at huwag bumalik sa kanilang mga tahanan.
30,400 residente nasa evacuation center

Umakyat na sa 30,423 na indibidwal o 6,891 na pamilya mula sa Cavite at Batangas ang apektado ng patuloy na pag-aalburuto ng Taal Volcano.
Ito ay ayon sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) base sa kanilang inilabas na si­tuation report kahapon nang umaga (Tina Mendoza/Edwin Balasa)