Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga borloloy na wala sa hulog

0 333

Ugali na nating mga Pinoy na magborloloy sa sasakyan.

Minsan nga kahit na pambili ng bigas o pambayad sa kuryente ay nadadale pa kapag napadaan tayo sa isang auto shop at nakursunadahan natin ang isang accessory na akala natin ay dagdag pogi points sa sasakyan pati na rin sa may-ari.

Pero hindi lahat ng borloloy ay may gamit o napapakinabangan natin.
Sa aking personal na karanasan bilang nag-umpisang magmaneho ng 4 wheelers noon pang 1996 at nagkaroon na ng halos 15 sasakyan (dahil dati po ay mga segunda mano lamang ang aking binibili at pag nagsawa ay ibebenta para palitan ng mas modelo), narito ang mga borloloy na hindi kailangan o kaya ay walang gamit.

1. tilting plate holder- nauso po ito noong unang ipatupad ng MMDA ang color coding. Maraming nagpakabit nito upang makaiwas sa huli pero nang maghigpit ang TMG lalo na ang Task Force Limbas, unti-unting nawala ang borloloy na ito dahil mas abala ang dulot kapag nahuli ka.

2. smoked headlight- sa mahigit 24 taon ko nang pagmamaneho, ito ang hindi ko talaga naisipang ipagawa sa aking mga naging sasakyan dahil napakatinding perhuwisyo ang dulot nito sa gabi. Lumalabo ang paningin ng driver lalo na kapag heavily tinted ang sasakyan kaya ang siste, magpapalit ka ng mas malakas na bombilya na ang ibig sabihin ay dagdag na gastos.

3. blinking led brake lights- hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang palitan ng de-blinker na bombilya ang mga brake lights ng mga sasakyan. Ang impresyon sa mga gumagawa ng mga ganito ay walang malasakit sa mga nasa likuran lalo na sa gabi dahil napakasakit naman talaga sa mata. Hindi ba suwabe kapag nakita mong steady lamang at matingkad ang pagkapula ng iyong brake lights?

4. ‘rain gutter’- kailan ko lamang napatunayan sa sarili ko na walang kakuwenta kuwenta itong borloloy na ito bukod pa sa nagdudulot ng perhuwisyo kapag tinanggal mo dahil naiiwang nakakapit ang double adhesive tape na ginamit na pandikit. Hindi rin ito nakakatulong para malimitahan ang pagpasok tubig ulan sa loob dahil common sense lang naman na huwag mong buksan ang bintana kapag umuulan.

5. chrome stylings- eto yung mga cover sa headlight, tail light, door handle at maging sa takip ng tangke. Mahirap itong imintina dahil kapag hindi ka maalaga sa sasakyan, kakapitan ito ng alikabok kaya kalaunan ay nagiging kulay lumot. Mas maganda kung yung mga kulay itim ang ikabit kung talagang hindi maiiwasang magpakabit.

6. wangwang- noong wala pang camera ang mga cellphone at ang internet ay via isp pa, astig itong borloloy na ito at talaga namang epektibo na panghawi o pangcounterflow, huwag ka lang matitiyempuhan ng HPG. Pero ngayon na may FB live na, naku bida ka kaagad pag ang sasakyan mo ay may ganitong borloloy, as in bidang hinihiya online.

Ang nabanggit po ay ilan lamang sa mga borloloy na dapat ay iniiwasan nating gawin sa ating mga sasakyan.

Kuwentuhan po tayo sa FB paki add lang po ako @Carlito Evangelista.
Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.