Abante Tonite Interactive

Mga brgy. official sa Bulacan na sabit sa droga tatalupan

By
2,838

Nasa balag ng alanganin ang kandidatura ng mga incumbent barangay official sa lalawigan ng Bulacan sa darating na barangay election sa Mayo 14 dahil desidido ang gobyernong tanggalin sa puwesto ang lahat ng mga opisyales ng barangay na sangkot sa iligal na droga.

Nabatid ng TONITE na kumpirmadong mayroong mga barangay official sa Bulacan na sabit sa kalakalan ng iligal na droga bukod pa sa pagbibigay ng proteksyon.

Inaasahang kabilang sila sa libo-libong barangay official sa bansa na nasa narco-list ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nakatakdang isiwalat ang mga pangalan bago dumating ang halalan.

Ang lalawigan ng Bulacan ay binubuo ng tatlong lungsod at 21 munisipalidad na sumasakop sa 569 barangay at hindi imposibleng may ilang sangkot sa droga matapos mabunyag na may mga barangay official sa Malolos City, San Rafael at Balagtas ang sabit dito.

Nababahala ngayon ang mga barangay official sa Bulacan sa direktiba ni DILG Undersecretary Martin Diño na maaaring masuspende o makasuhan ang sinumang opisyal ng barangay na hindi makapagsusumite ng kanilang drug watchlist sa ahensiya bago sumapit ang Marso 21.