Abante Tonite Interactive

Mga bus babantayan sa malaswa, bayolenteng pelikula

285

Pinaalalahanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga kompanya ng bus na huwag magpapalabas ng malaswang pelikula sa loob ng kanilang mga sasakyan lalo na ngayong Semana Santa na maraming magulang at bata ang bibiyahe pauwi ng probinsya.

Para matiyak na sumusunod sa direktiba ang mga kompanya ng bus, inatasan ni NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang kanyang mga tauhan upang i-monitor ang mga terminal ng bus sa Metro Manila para ipaalala sa mga driver at konduktor ang panuntunan ng NCRPO.

Ayon kay Eleazar, karaniwan nang nagpapalabas ng local at foreign movie sa mga bus para malibang ang kanilang mga pasahero sa mahabang biyahe.

Pero may ilan umano na nagpapalabas na hindi para sa general patronage.

“We urge them to pick films that are child-friendly. They should be responsible enough what to show for their passengers, especially with the presence of children passengers,” pahayag ni Eleazar.

Hiniling din ni Eleazar sa mga magulang at iba pang pasahero na isumbong sa mga Police Assistance Desk ang mga bus na lalabag sa panuntunan hinggil sa pagpapalabas ng pelikulang hindi nababagay para sa mga bata.

Aniya, maaaring mag-report sa pamamagitan ng NCRPO Facebook at Twitter account o mag-text sa 0999-901-8181 and 0915-888-8181.

Makikipag-koordinasyon din aniya sila sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga lumalabag na bus driver at konduktor. (PNA)