Abante Tonite Interactive

Mga buwitre sa kalamidad

366

Nagkaubusan ng face mask sa mga drug store at super­market sa Metro ­Manila ­nitong Linggo matapos ang pagsabog ng bulkang Taal at pagbuga ng makapal na ashfall. Umabot sa Metro Manila ang ashfall bagamat hindi kasing tindi kung ikukumpara sa nangyari noong sumabog ang Mt. Pinatubo.

Ang ibang mga tindahan naman, agad na nagsamantala sa paglaki ng demand sa face mask. Ang ordinaryong face mask na nabibili lamang ng P5 bawat isa, hindi lang naging doble ang presyo kundi inabot ng anim na patong. Ang magandang klaseng N95 na nirerekomenda ng Department of Health at Philvolcs na gamitin, nagtaas na rin ng presyo.

Habang kaliwa’t-kanan ang nakikita natin sa social ­media na mga good samaritan tulad ng mga nagbibigay ng libreng pagkain sa mga evacuees, nagsasabay ng tubig sa mga sasakyan na puno ng abo at nagbibigay ng libreng face mask, nagkalat naman ang mga buwitre sa panahon ng kalamidad.

Kaya itong si Yorme ng Maynila, nanggagalaiti sa mga taong nagpapatong ng ma­laking presyo sa mga face mask. Maglalabas daw siya ng show cause order sa mga supplier kung bakit sila nagtaas ng presyo ng N95. Kung sablay ang kanilang paliwanag, suspendido ang kanilang permit.

Sana ganito rin ang marinig natin sa iba pang alkalde sa Metro Manila at mga lokal na opisyal sa Calabarzon region para naman maramdaman ng kanilang mamamayan na inaalagaan nila ang kalusugan ng kanilang nasasakupan. May mga lokal na opisyal kasing natutulog lang sa pansitan. Puwede naman kasing bombahin ng tubig ang mga kalsada para mapunta sa drainage ang mga abo.

Pero hindi ito ang nakikita natin sa kalsada kaya ­maraming mga tao ang naglalakad na may face mask o kaya ay bimpo o panyo sa kanilang mukha.

Marami ding pasaway na hindi naglalagay ng takip sa ilong. Ang hindi nila alam, balang araw ay sisingilin din sila at baka ang bagsak nila ay sa Lung Center of the Philippines.

Inabot ng mara­ming taon bago nakarekober ang mga magsasakang naapektuhan ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991. Malamang na aabutin din ng maraming taon para makabawi sa kanilang pagkalugi ang mga ­magsasaka sa lalawigan ng Batangas at Cavite na apektado ng makapal na ashfall. Pati na ang paborito ng marami na pinya ng Tagaytay, nabalot ng abo. Baka naman pati ang presyo ng pinya ay magtaas sa mga darating na araw? Posible itong mangyari habang may mga gumagalang buwitre.