Abante Tonite Interactive

Mga car plate ipapamigay na sa Hulyo

By
1,641

Simula Hulyo 5 ay matatanggap na ng mga may-ari ng sasakyan ang kanilang naantalang license car plates.

Sa impormasyon na ibinahagi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Atty. Aileen Lizada, sinabi nito na batay sa kanilang tina­lakay ay ang mga sasakyan na nairehistro mula Hulyo 1, 2016 hanggang Setyembre 2016 ang unang makakatanggap ng kanilang mga car plate.

Kasunod na umano nito ang iba pang na­ging backlog.

Ayon kay Lizada, batay sa iskedyul na kanilang napagkasunduan ay ang mga license plate mula sa LTO office patungo sa iba’t ibang regional offices ay dapat matapos sa Hunyo 29, 2018.

Ang pamamahagi naman nito mula sa regional offices patu­ngo sa mga New Re­gistration Units (NRUs) at Authorized District Offices ay magsisimula mula Hunyo 30 at sa Hulyo 5 ay sisimulan nang mamahagi ng car plates sa mga vehicle owner.

Matatandaan na una nang inamin ng Land Transportation Office (LTO) na nasa 15 milyon na vehicle number plates ang backlog mula 2013 hanggang 2018 at kanila itong reresolbahin ngayong taon.

Sinabi ni LTO Asst. Secretary Edgar Galvante na uunahin nilang bigyan ng car plates ang mga nairehistro simula July 1, 2016 at dahil mayroon nang makina para sa paggawa ng plaka ay unti-­unti nang mareresolba ang problema sa kawalan ng car plates.