Abante Tonite Interactive

Mga cell site ng 3rd telco pinaapura

320

Dapat silipin ng Kongreso ang progreso ng ope­rasyon ng third telco na Dito Telecom kasunod na rin ng report na nahuhuli ito sa kanilang ipinangakong target na pagsisimula ng operasyon, ayon kay dating Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares.

Sinabi ni Colmenares na ikalawang quarter ng 2020 ang nakatakdang pilot testing ng Dito Telecom subalit lumilitaw na kulang-kulang pa rin ang pasilidad nito gaya ng mga communications to­wer at mga cell site.

Ani Colmenares, isang human rights lawyer, Hunyo 2019 pa nang mabigyan ng legislative franchise ang Dito Telecom, at Hulyo 2019 ay nakakuha na rin ng permit to operate sa Malacañang at Certificate of Public Convenience and Necessity mula sa National Telecommunications Commission (NTC) ngunit makalipas ng mga ito ay ang publiko naman ang binibitin dahil sa pagkakaantala ng kanilang operasyon.

Ang Dito Telecom na dating Mindanao Islamic Telephone Company Inc. (Mislatel) ay isang consortium na kinabibilangan ng Udenna Corporation (35% shares) at Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corp (25%) na kapwa pagmamay-ari ng Davao-based businessman na si Dennis Uy at China Telecommunications Corporation(40%).

Bagama’t nabigyan na ng permit to operate ang Dito Telecom na kasama sa consortium ang China Telecom ay muling iginiit ni Colmeranes na dapat pigilan ng Kongreso ang pagpasok ng China sa Philippine telecommunication sector.

Nais ni Colmenares na magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara at i-withdraw ang pagpasok nito sa bansa.