Abante Tonite Interactive

Mga Chinese firm inobligang mag-espiya

361

Nagpahayag ng pangamba si Senador Francis Pangilinan kaugnay ng pinasok na kasunduan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Chinese-linked firm na magtayo ng tower sa loob ng mga military camp sa bansa.

Ginawa ng senador ang reaksiyon matapos maplantsa na ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng AFP at Dito Telecommunity Corporation, ang ikatlong telecommunication player sa bansa, kamakailan.

Dating Mislatel, ang Dito ay isang consortium ng Udenna Corporation na pag-aari ng negosyanteng Dabawenyo na si Dennis Uy, at subsidiary ng Chelsea Logistic Corporation at Chinese state-owned China Telecommunications Corporation, parent company ng China Telecom.

“Itong ating Armed Forces, makikipagkontrata sa isang kompanya na China telco ang partner, para mag-set-up ng mga towers ng telco nila sa loob mismo ng military camps?” sabi ni Pangilinan sa panayam sa ANC kahapon.

“Alam mo hindi biro itong China telco involvement dito sa ating military camps. May concern na nga ‘yung China telco as the third telco dahil may mga sinasabi,” dagdag pa nito.

Binanggit pa ni Pangilinan na una nang nagpahayag ng pangamba sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. hinggil sa mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) na malapit sa mga military camp sa Metro Manila.

“There is a national security concern. Alam mong merong batas, dalawang batas ang China, iyong National Intelligence Law of 2017, at iyong Counter-Espionage Law of 2014. And in both laws, sinasabi ng mga batas nila, na ang organizations—private organizations and citizens—should cooperate in gathering of intelligence information by the state,” ayon kay Pangilinan.

“China Telecom is an organization. It is a Chinese company. What if the Chinese government says, ‘Oh, meron kayong access diyan. You are mandated to turn over information to us because we have the Counter-Espionage Law and we have the National Intelligence Law,’” dagdag pa ng senador.
Aniya, hindi biro ang China telco involvement sa mga military camp sa bansa.

“Ang concern: Gagamitin nu’ng Chinese government ‘yung information na nakukuha [at] dumadaan doon sa kanilang mga sistema para itulak ang interes ng China (The concern is the Chinese government will use the information that passes through their system to advance China’s interests),” ani Pangilinan. (Dindo Matining)