Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga Chinese POGO may VIP lane sa booster

0 41

Habang paagahan ng pila ang mga Pinoy para sa COVID-19 booster shots sa Las Piñas City, binigyan naman ng Las Pinas City Health Office (CHO) ng special lane ang mga Chinese Philippine offshore gaming ope­rator (POGO) worker sa lungsod.

Sa Robinsons Las Piñas, alas-9:30 ng umaga pa lang ay marami nang mga Pinoy na nakapila para sa kanilang booster shot. Ang iba ay alas-otso ng umaga o mas maaga pa pumila kahit alas-10:00 ng umaga pa ang simula ng bakunahan.

May mga dumating na Chinese POGO worker alas-9:30 ng umaga kasabay ng ilang Pinoy at dinala sila ng isang fixer ng CHO sa napakaiksing pila. Kung ang pila para sa mga Pinoy ay maaaring nasa 200 na sa nasabing panahon, anim lamang ang nasa special lane ng mga Tsino.

Tinanong ng Abante ang Las Piñas CHO kung magkano ang bayaran para sa special lane ng booster shot ng POGO workers, kung magkano na ang kinita dito, at kung sino-sino ang kumikita rito ngunit wala pa silang sagot habang sinusulat ang balitang ito. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.