Abante Tonite Interactive

Mga Chinese sa ‘Pinas yumabang, pulis ‘di na ginagalang – Alejano

292

Dismayado si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano sa pambabastos ng isang babaeng Chinese national na binuhusan ng isang plastic cup ng taho ang isang pulis matapos na sitahin siya dahil sa li­quid ban na ipinatutupad sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3.

Dahil aniya sa insidente, nagiging ­second class citizen na ang mga Pilipino at binabastos ng mga dayuhan sa sarili nating bayan.

“Hindi lamang ang ating mga mangingisda at mga sundalo sa West Philippine Sea ang nakararanas ng bullying dahil pati mismo ang ating mga kapulisan ay hindi ginagalang,” ayon sa kongresista.

WALANG MODONG CHINESE IPAPA-DEPORT
Ipinahayag naman kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar na kanyang irerekomenda na ideklarang ‘undesirable alien’ ang naturang Chinese national na nakila­lang si Jiale Zhang, 23-­anyos, na siyang magiging batayan ng Bureau of Immigration (BI) para sa deportation ­proceedings.

Kinasuhan na ito ng direct assault at disobedience to an agent of authority.

Pinuri rin ni Eleazar si PO1 William Cristobal dahil sa ipinakita aniya nitong disiplina bilang isang alagad ng batas sa kabila ng ginawa sa kanya ni Zhang.