Abante Tonite Interactive

Mga computer shop sa Navotas may curfew

211

Upang mapangalagaan ang kapakanan ng kabataan, inutos ni Mayor Toby Tiangco na isara ang mga computer shop na hindi sumusunod sa mga ordinansa ukol sa regulasyon at curfew hour sa Navotas City.

Inatasan ni Tiangco ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) Navotas City Hall na mag-isyu ng Notice of Violation sa mga computer
shop na magpapapasok ng kabataan na walang kasamang magulang o guardian kapag lumagpas na ang alas-10:00 nang gabi.

Ipasasara ang mga computer shop at hindi na iisyuhan pa ng business permit ang sinumang lalabag sa utos ng pamahalaang lungsod, lalo pa kapag nahuli sila na may mga menor de edad na nagko-computer sa oras ng curfew.

Binanggit ni Tiangco ang mga reklamong natatanggap sa pamamagitan ng kanyang text hotline, na maraming computer shop ang sumusuway sa City Ordinance No. 2014-08 at 2017-16.

“Ang Section 7 h.2 ng City Ordinance No. 2014-08 ay nagsasaad na Computer gaming shops or centers are strictly prohibited from allowing the entry of students of minor age during school hours and beyond 10 p.m., except when accompanied by a parent or guardian”, sabi ni Tiangco.

Simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-kuwatro ng madaling-araw ang itinakdang curfew para sa mga menor de edad sa Navotas at mapaparusahan ang mga magulang o guardian­ kapag may paglabag dito. ­(Orlan Linde)