Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga COVID bakuna nabitin delivery

0 361

Wala na umanong darating na COVID-19 vaccine hanggang katapusan ng Mayo sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje dahil ang susunod na bakuna kontra COVID-19 ay darating aniya sa unang linggo ng Hunyo na nakalaan naman para sa mga indibidwal na nakalista sa A4 at A5 category.

Nabatid naman na mahigit 8 milyong doses na ng COVID-19 vaccine ang dumating na sa Pilipinas mula noong Marso.

Sinabi ni Cabotaje na malapit na sa 4.5 milyong dose ang naibakuna sa 1,381 vaccination center sa bansa.

Kaugnay nito, inihayag naman ng National Task Force Against COVID-19 na idedeliber din ang mga naantalang shipment ng bakuna sa susunod na buwan ng Hunyo kung saan inaasahan umano ang pagdating ng mahigit 10 milyong dose ng vaccine.

Samantala, sinabi pa ni Cabotaje na ipauubaya sa mga local government unit (LGU) ang desisyon kung sino ang uunahing bakunahan sa mga indibidwal na nasa A4 category.

Ito’y dahil hindi aniya sapat ang 10 milyong doses ng COVID-19 bakuna na darating sa Hunyo para sa 13 milyong katao na kabilang sa A4 priority group sa NCR Plus bubble pa lang.

“The government will prioritize who among the A4 category they need to vaccinate first. We will leave it to the LGU to strategize who are at most risk and most vulnerable among A4, depending on their locality,” ayon pa kay Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center.(Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.