Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga customs broker nanawagan sa INC

0 216

Hindi pa man pormal na nakakaupo sa Malacañang si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sakit sa ulo na ang ibinibigay ng dalawang mataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC).

Pinalalabas kasi ng dalawang opisyal na sakalam sila kay Ka Eduardo Manalo, Executive Minister ng Iglesia ni Cristo kaya hindi sila matatanggal sa puwesto kahit magpalit ng administrasyon.

Ang dalawang opisyal ay isinusuka na ng maraming organic employee ng BOC. Pero ngayon, pati pala mga Customs broker ay galit din sa dalawang opisyal. Maliliit man o malalaking broker sa Customs, naririnig nila ang paggamit at pagsira sa pangalan ng dalawang opisyal sa INC leader.

Ayon sa isang broker, malaki ang respeto nila kay Ka Eduardo at sa INC kaya bago pa mahuli ang lahat ay dapat kumilos na ang buong kapatiran para itanggi na kinokunsinti nila ang ginagawa ng dalawang opisyal sa Aduana.

Hindi raw dapat manahimik ang INC sa isyung ito lalo na kung makasisira ito sa magandang pangalan ng buong kapatiran.

Kahit ipinagtatabuyan na sila ng mga empleyado at broker, nakapagtataka naman ang patuloy na pananahimik ng dalawang opisyal. Kung hindi totoo ang mga alingasngas tungkol sa dalawang opisyal, sana ay basagin nila ang kanilang pananahimik.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Bukod sa ilang Marites, may ilang nagsasabi na hindi naman daw santo ang dalawa para manatili sa puwesto. Bagkus, isa sa kanila ang pinagmamalaki ng smuggler ng galunggong sa bansa. Sa datos ng gobyerno, bumaha na ng 60,000 tonelada ng isda sa unang quarter ng 2022. Hindi pa kasama rito ang mga smuggled na isda.

Nakaladkad na rin ang kanilang pangalan sa isinagawang imbestigasyon ng Senado at Kamara tungkol sa expose ng isang Customs broker. Pero masuwerte pa rin ang mga ito dahil patuloy silang nakakapit sa puwesto.

Nakarating na raw sa kampo ni Marcos Jr. na ang dalawang opisyal ng BOC ay tinaguriang “bagyo” at “manok” ng INC kaya hindi sila dapat maalis sa puwesto sa BOC. Ang siste, ang nagparating ng impormasyon ay silang dalawa rin pala.

Sinasabing karamihan ngayon sa mga Customs broker ay galit din sa dalawang opisyal dahil ang palaging binibigyan nila ng pabor ay ang mga naghaharing uri na magkapatid na broker.

“Wala kaming planong siraan si Ka Eduardo at ang INC. Ang gusto lang namin ay sila mismo ang bumali sa sungay ng mga opisyal sa Customs na hayagan kung gumamit sa kanilang pangalan,” sabi ng isang Customs broker.

Nakakapaso na ang init sa isyu ng panggagamit sa pangalan ng INC leader kaya makabubuti sigurong magbigay na ng statement si Ka Eduardo para naman masupalpal na ang panggagamit sa kanyang pangalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.