Abante Tonite Interactive

Mga dapat malaman ukol sa tigdas

Nakakabingi nakakasira ng utak nakakamatay!

0 231

Hindi na biro ang paglala ng tigdas. Kamakailan lang ay nagdeklara na ng tigdas outbreak sa Metro Manila at Central Luzon. Kasabay nito ay itinaas na rin ng Department of Health (DOH) ang measles alert sa bansa.

Bukod sa Metro Manila, nakapagtala na rin ng pagtaas ng mga kaso ng tigdas sa ilan pang bahagi ng Luzon, Eastern at Central Visayas. Ina­asahan pa ang pagdami ng kaso nito kaya minabuti ng kagawaran na itaas ang alerto.

Ayon sa DOH, noong 2002 ay naitala ng World Health Organization ang tinatayang 1.4 milyong bata na 5-taong gulang limang pababa ang namatay, na dapat sanay naagapan kung sumunod lamang sa tamang oras ng pagpapabakuna. Ito ay 14% ng global total mortality ng mga batang 0-5 anyos.

Naglunsad din ang DOH noong 2014 ng mass immunization campaign laban dito sa layong maging ‘measles free’ ang Pilipinas.

Ano nga ba ang tigdas o measles?

Ang tigdas (Ingles: measles; medikal: rubeola) ay isang malubhang respiratory disease. Isa itong karamdaman kung saan nagkakaroon ng mapupulang pamamantal o rashes sa buong katawan pagkatapos ng ilang araw na pagkakatrangkaso o lagnat, ubo, sipon at pamumula ng mata.

Ito ay karaniwang sakit ng mga bata. Sa simpleng blood o saliva test ay maari na itong makumpirma.

Magkaiba ang tigdas sa tigdas hangin (Ingles: German measles; medikal: Rubella). Mas seryosong karamdaman ang tigdas sapagkat apektado dito hindi lamang ang balat kundi ang baga pati na ang tenga, mata at utak. Mas matagal din ang sintomas ng tigdas (5-7 araw) kaysa tigdas-hangin na 2 hanggang 3 araw.

Nakakahawa ito at sa ilang pagkakataon ay nakamamatay.

Mga sanhi nito:

Taglay ng tigdas ang isang virus na kung tawagin ay Morbillivirus paramyxovirus. Ang virus na ito ay nabubuhay sa mucous ng ilong at lalamunan ng taong may impeksyon. Ito ay maaaring makahawa sa pamamagitan ng paglanghap ng hangin.

Maaari itong kumalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing. Tandaan na ang droplets ng sipon ay nanatiling aktibo at nakakahawa sa loob ng 2-oras. Ang virus ay nabubuhay din sa labas ng katawan.

Kapag tinamaan ng tigdas, aabot ng mula 8-12 araw bago tuluyang lumabas ang mga sintomas nito.

Sintomas:

Nagsisimula ito sa mataas na lagnat, pananakit ng mata.

Tuyong ubo o dry cough, sipon, maliit na puting spot na karaniwang nasa loob ng bibig.

Rashes o maliliit na pulang tuldok na nagsisimula sa ulo, leeg at kumakalat sa buong katawan.

Pagtatae, pagsusuka, walang gana sa pagkain.

Pananakit ng katawan, pagkahapo.

Impeksyon sa tenga at ang mas malala ay pamamaga ng utak.

Maaari ring magkaroon ng pneumonia o impeksyon sa baga.

Paano ito mapapagaling:

Mahabang pahinga, sapat na tulog. Kumain din ng sapat para iwas-malnutrisyon.

Punasan ang bata o pasyente ng maligamgam na tubig gamit ang bimpo kapag may lagnat.

Painumin ng maraming tubig.

Tanggalin ang mga muta sa mata sa pamamagitan ng tubig na may konting asin.

Diliman din ang kuwarto dahil sensitibo ang kanilang mata sa liwanag.

Kapag may ubo at plema, sundin at inumin ang antibiotic-gamot na nireseta ng doctor.

Para sa kati ng rashes, puwedeng pahiran ng Calamine lotion o gamot sa kati.

Tiyaking gupit o malinis ang kuko. Sa mga sanggol, lagyan ng guwantes ang kamay para hindi magsugat ‘pag kinamot ang pantal.

Magpasailalim sa MMR. Ang MMR shot o bakuna para sa measles, mumps at rubella ay para protektahan ang mga bata laban sa tigdas.

Pag-iwas:

Ang tigdas ay seryosong sakit at delikado pero maiiwasan ito kung may sapat na kaalaman at susunod sa tamang impormasyon.

Nagdadalawang-isip mang magpa-injection ngayon para sa anak ang ilang magulang mula sa ilang programang pangkalusugan o health programs ng gobyerno dulot na rin ng kontro­bersya sa Dengvaxia vaccine, importante pa ring magkaroon ng proteksyon ang mga bata.

Nasa 40% ng mga may tigdas ang nagkakaroon ng komplikasyon kaya bago pa ito tuluyang mauwi sa komplikasyon tulad ng pneumonia, panghabambuhay na brain damage o mental retardation, pagkabingi, encephalitis at pagkamatay – sa unang badya pa lamang ng mga sintomas ay dapat nang magpakonsulta.

Higit sa lahat, importante ang pagpapabakuna ‘di lang ng pasyente kundi ng buong miyembro ng pamilya dahil tumutulong ito sa immune system na mag-produce ng antibodies laban sa virus.