Abante Tonite Interactive

Mga dapat tandaan tungkol sa gulong

By
1,359

Hindi aandar ang sasakyan kung walang gulong.

Nakasalalay din minsan sa gulong ang buhay ng mga pasahero’t driver.

Hindi lamang nito pinapasan ang bigat ng sasakyan kundi pananggalang din ito mula sa mga bako-bako at lubak na daan, at sa baha pa kung minsan.

Ang mga gulong ang susi upang makatakbo, makaliko, makahinto at magkaroon ng kontrol sa direksiyon ang umaandar na sasakyan sa iba’t ibang kondisyon ng daan kaya importanteng bago bumiyahe ay ma-check o masuri munang mabuti ang mga gulong.

Kailanga’y tama ang sukat o hangin nito. Kapag gumulong na kasi ito sa kalsada, maaaring tumaas ng 10 porsyento ang ­pressure ng hangin sa loob kaya hindi makukuha ang ­tamang sukat nito.

Ang pressure ay kadalasang sinusukat gamit ang PSI o Pounds per Square Inch na siyang standard na ginamit sa Estados Unidos. Sa iba nama’y KPa o Kilo Pascals. Ngunit kalimi­tang standard pressure sa mga moto­rista ay 30 PSI.

‘Di dapat sumobra ang hangin dahil puwedeng maging sanhi ito ng pagsabog. Maaari din namang pumutok ang gulong kung kulang ito sa hangin.

Ang tamang pressure ng gulong ay kalimitang inilalagay ng mga tire manufacturer sa side wall nito. Doon matatagpuan ang minimum at maximum na pressure na kaya ng gulong.

Kinakailangang re­gular na suriin ang pressure ng gulong upang maalagaan ito at maiwasang mag-running flat.

Mainam din na kung magpapalit ng gulong ay pagsabayin ang harap at hulihan.