Abante Tonite Interactive

Mga dayuhan madali nang makakapagtrabaho sa bansa

261

Madali nang makakapagtrabaho ang mga foreign professional sa bansa sakaling maisabatas ang House Bill No. 300 na mag-aamyenda sa Foreign Investment Act of 1997 na inaprubahan na ng Kongreso sa third reading nu’ng nakaraang linggo.

Tatanggalin ng HB No. 300 ang ‘practice of professions’ sa pagkakasakop ng mga foreign investment negative list na naglilimita o nagbabawal ng dayuhan sa ilang economic area o sector.

Binatikos ni Kabataan Party-list Sarah Elago ang HB 300.

“Sa malawakang unemployment at matinding labor export, inuuna pang bigyan ng House Bill 300 ng luwag ang pagbubukas ng praktis ng mga propes­yon sa Pilipinas pabor sa mga dayuhan, imbes na lumikha ng mga trabaho at magpasa ng nakabubuhay na sahod upang suportahan, hindi lang ang pagbabalik, kundi ang pagyabong ng mga ambag ng mga Pilipinong manggagawa at propesyunal sa pambansang kaunlaran,” sabi ni Elago.

Nagpahayag ng pangamba si Elago na maaagawan ng trabaho ang mga Pilipino dito mismo sa bansa.

“Bagama’t maari itong magbigay-daan sa mas maraming foreign investors sa SMEs, ang pagpapaliit ng rekisito ng mga direct local hires ay hindi mala­yong abusuhin bilang akumodasyon para sa pagpapapasok ng mas maraming dayuhang manggagawa sa sarili nating bayan,” sabi ni Elago.

“Hindi ito katanggap-tanggap lalo pa’t milyon-milyong Pilipino rin ang nangangailangan ng katiyakan sa disenteng trabaho,” dagdag niya. (Eileen Mencias)