Abante Tonite Interactive

Mga dayuhang GRO sa Malate bar

0 559

Nitong nakalipas na linggo ay napaulat ang pag-aresto sa sampung dayuhang guest relations officer (GRO) sa isang club sa Malate, Maynila na umanoy pagmamay-ari ng isang “untouchable” na negosyante.

Ang mga dayuhang GRO ay natuklasang walang working permits at inaalam na kung dumating sa bansa bilang mga turista o kaya naman ay mayroong nag-recruit sa kanila.

Nakapagtataka namang hindi ito alam ng mga otoridad at mga taga-city hall dahil matagal na umanong nagtatrabaho ang dayuhang bar girls sa club na pinaghulihan sa kanila.

Kapag napapadaan kasi ako sa Malate area lalo na sa gabi ay makikita ang mga GRO na nakabalandra sa harapan ng mga bar at nang-aakit o hinihimok ang mga lalaking customer. Mapa-bata man o lolang bugaw ay nasa pali-paligid lang ng mga club sa lugar para makarami ng customer.

May bulong-bulungan na ang mga nahuling dayuhang bar girls ay hawak ng isang maimpluwensiyang negosyante at isang lokal na politiko sa labas ng Metro Manila.

Diumano, pang-high end customers ang mga dayuhang GRO na kayang magbayad ng malaki-laking halaga dahil magaganda ang mga ito, at parang “Barbie” batay sa deskripsiyon ng isang miron.

Mismong ang opisyal na rin ng Manila Police District (MPD) ang nagsabing untouchable diumano ang may-ari na hindi naman pinangalan at ngayon ay hindi na mahagilap.

Related Posts

Clue sa negosyante: kilala ito sa showbiz world at nagkaroon ng kaugnayan sa isang aktres.

Bakit malakas? Kasosyo kasi ang isang halal na lokal na opisyal sa labas ng Metro Manila.

Dapat laliman pa ng mga otoridad ang kanilang pag-iimbestiga dahil baka sangkot ang magkasosyong ito sa human trafficking sa pamamagitan ng pagdadala ng mga dayuhang sex worker sa bansa.

***

At dahil napag-usapan na rin lang ang mga dayuhang illegal na nagtatrabaho sa bansa, baka gustong pasyalan ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang Binondo dahil sa dami ng mga dayuhang illegal workers. Hindi marunong magtagalog at tila piping makipag-usap sa pamamagitan ng sign language o kaya ay magpapakita ng calculator para ipakita ang presyo ng mga paninda.

Ang masaklap pa nito, masusungit ang iba at pinapagalitan ang kanilang mga helper na Pinoy sa harapan ng kapwa Pilipino. Hahayaaan ba natin silang alipustain ang mga Pilipino sa sariling bansa? Dapat ang mga undesirable alien ay agad ipatapon pabalik sa kanilang bansa.