Abante Tonite Interactive

Mga dead pig sa QC positibo sa ASF

214

Kinumpirma ni Quezon City Veterinarian Dra. Ana Cabel na nagposi­tibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga patay na baboy na natagpuan sa ilog sa Quezon City, noong umaga ng Miyerkoles.

Ayon kay Cabel, bukod sa mga natagpuang patay na baboy sa ilog sa Brgy. Bagong Silangan, nagpositibo rin sa ASF ang ilang ‘live pigs’ na kanilang sinuri sa pamamagitan ng ‘blood sampling’.

Gayunman, inaalam pa aniya kung saan galing ang mga patay na baboy na nakita sa mga creek sa lungsod, at naglagay na rin ng checkpoint ang QC veterinary office bunsod ng napabalitang pagkamatay ng mga baboy dahil sa sakit.

Una dito ay umalingasaw umano ang masansang na amoy sa mga re­sidente sa nabanggit na barangay at nang kanilang hanapin ang pinagmumulan nito ay doon nila nakita ang mga patay na baboy sa ilog sa Brgy. Silangan.

Dahil sa takot ay agad na ini-report ng mga residente sa kanilang barangay ang mga natagpuang mga patay na baboy, kaya agad namang ipinagbigay-alam ng mga opisyal sa kanilang pamahalaang lokal.

Samantala, mahigpit na ipinagbawal ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang pangingisda sa Marikina River o anumang uri ng aktibidad sa ilog matapos makitaan ng mga naglulutangang patay na baboy. (Dolly Cabreza/Vick Aquino)