Abante Tonite Interactive

Mga debotong may sakit sa puso, diabetes inawat sa Traslacion

249

Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang mga may karamdaman tulad ng hypertension, diabetes at sakit sa puso na huwag nang makilahok sa Translacion sa kapistahan ng Poong Itim Nazareno sa Enero 9 sa Maynila.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, mas makabubuti na magdasal na lamang sa kanilang silid at huwag nang humalo sa napakaraming tao dahil maari silang makakuha ng komplikasyon.

“Ako ay nanawagan sa ating mga kababa­yan na kung kayo ay may kilalang mga karamdaman ay kung pwedeng… umilag na po tayo dito. Magdasal na lang po kayo sa loob ng inyong mga silid at huwag na po kayong pumunta sa napakada­ming tao na puwede po kayong magkaroon ng komplikasyon lalo na ‘yung may mga altapresyon,” ayon kay Duque.

Nabatid kay Duque na puwede rin magkaroon ng hawahan ng flu, infectious diseases sa traslacion.

“‘Yung diabetes – mai-stress po kayo diyan lalong aakyat ang blood sugar, lalong manghihina kayo.

Palagay ko naman hindi mababawasan ang basbas ng Diyos sa inyo dahil maiintindihan naman po ng Diyos na kayo ay may sakit,” dagdag pa ni Duque.

Matatandaang sa nakalipas na Traslacion ay maraming deboto ang inatake, nahilo at hinimatay dahil sa mga nabanggit na sakit.