Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga delinquent taxpayer, traffic violator makikinabang sa general amnesty

0 143

Nitong nakalipas na linggo ay ating idineklara sa lungsod ng Maynila ang isang general tax amnesty program na nagsimula noong October 1, 2021 at matatapos sa December 29, 2021.

Ito ay nakapaloob sa Ordinance No. 8773, na nagbibigay ng amnestiya sa lahat ng delinquent business taxes, real property taxes, regulatory fees at iba pang service charges. Ang naturang ordinansa ay inaprubahan ng Manila City Council na pinamumunuam ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang Presiding Officer.

Ang kasalukuyang pandemya ay nagdala ng mga di inaasahang socio-economic challenges sa bansa at bilang resulta, maraming egosyo ang nananatiling sarado at patuloy ang pagdami ng nawawalan ng hanapbuhay at oportunidad na kumita.

Sa gitna ng hamon sa kalusugan at kaligtasan ay ang hirap ng patuloy na makapamuhay.

Ang sitwasyong ito ay higit na nagpahirap sa mga taxpayers na makapagbayad ng kanilang obligasyon sa lungsod at ang kabiguang magbayad ay nagdala naman ng surcharges, penalties at interests.

Sa ilalim ng ordinansa, lahat ng kaukulang accrued surcharge and interest penalties n amula sa delinquent tax, regulatory fee o service charge na naipon ay hindi na sisingilin kapag nabayaran nang buo ang principal amount ng basic tax, fee o charge sa loob ng panahon kung kailang epektibo ang Code.

Ang tax amnesty ay ibibigay sa mga sumusunod: mga nagmamay-ari o nago-operate o kasama sa anumang business enterprise sa Maynila; nagmamay-ari o nangangasiwa ng real property na dineklara sa unang pagkakataon at may back taxes; mga nagmamay-ari o nangangasiwa ng anumang delinquent real property meron man o walang notices of collection at mga may nakabinbing local tax cases sa anumang judicial, quasi-judicial o administrative body na may kinalaman salocal business taxes, fees at charges o real property taxes.

Kasama din sa amnestiya ang mga lumabag sa traffic and parking rules na nasa ilalim ng Manila Traffic Code at No Contact Apprehension Program.

Magandang balita ito para sa mga nagmamay-ari ng pribadong sasakyan o tsuper ng jeepneys, trucks at taxicabs na libo-libo na ang penalties dahil sa paulit-ulit na paglabag sa batas-trapiko sa Maynila.

Ang mga nasabing violators ay kailangan na lamang bayaran ang kanilang first violation at di na dapat pang mag-alala sa mga kaakibat na penalties, interests at surcharges.

Bago ang pagpasa ng nasabing ordinansa ay maraming operators na ang humingi ng tulong sa pamahalaang-lokal sa pamamagitan ng pagtungo sa tanggapan ni city administrator Felix Espiritu, matapos na ang kanilang mga drivers ay umabot sa P600,000 hanggang P800,000 ang mga bills sa traffic violations lamang. Batay sa hiling nila ay aking kinausap si Vice Mayor at Manila City Council Presiding Officer Honey Lacuna upang gumawa ng ordinansa na magbibigay ng amnestiya sa mga violators.

Nakatali kasi ang aming mga kamay dahil ang mga “rules on violations” ay sakop ng mga batas na nangangailangang maamyendahan.

Marami sa mga motorista at tsuper ng pampublikong sasakyan ay paulit-ulit na lumalabag sa traffic regulations at di sinusunod ang traffic lights kapag nakita nilang walang traffic enforcer sa paligid. Ang di nila alam, ang mga paglabag ay awtomatikong naka-record sa sandalling mahuli sila ng mga naka-install na camera.

Ang non-contact apprehension ay nakadisenyo upang mawala ang ‘human intervention’ at akusasyon ng kikilan. Sa ilalim ng sistema, ang lungsod ay hindi maaring magbigay ng diskwento dahil sa umiiral na tax and traffic code.

Ang mga paulit-ulit sa paglabag o penalties, ke inisyuhan sila ng tiket o pinadalhan ng bill sa bahay matapos mahuli sa non-contact apprehension ay kailangan na lamang magbayad para sa kanilang first violation. Ibig sabihn, di na kailangan pang magbayad ng penalties, surcharges at interes na naipon.

Ito na ang ikalawang beses na ang pamahalaang-lungsod ay nagbigay ng ganitong amnestiya. Ito ay maliit na kaparaanan namin upang ipadama sa mga motorista ang aming malasakit, bagamat patuloy kaming nananawagan sa lahat na tigilan ang paglabag sa mga traffic rules and regulations sa lungsod upang makaiwas sa pagbabayad ng multa.

Sa totoo ay hindi hinahabol ng lungsod ang mga penalties na ‘yan dahil ang gusto namin ay ipaalam sa lahat na kailangang umiral ang mga alituntunin upang bumalik ang kaayusan sa kalsada.

Hindi kami masaya na may minumultahan subalit dapat ibalik ang kaayusan sa mga lansangan para sa ikabubuti ng higit na nakararami.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.