Abante Tonite Interactive

Mga DOH official ipasisibak ng PACC

363

Nasa balag ng alanganin ang ilang ­opisyal ng Department of Health (DOH) na iniim­bestigahan ng Presidential Anti-Corruption ­Commission (PACC) dahil sa isyu ng iregularidad at ­korapsiyon.

Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na maraming nahukay na anomalya sa ­ahensiya gaya ng mafia sa Philippine Health Insurance ­Corporation (PhilHealth), guarantee letters for sale, ­korapsyon sa Food and Drugs ­Administration (FDA) at ang isyu sa Dengvaxia na siyang dahilan para imbestigahan ang mga sangkot dito.

Malapit na aniyang matapos ang report ng PACC at irerekomenda nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin at pagbakasyunin ang mga ito.

“Patapos na kami sa aming report and recommendation. Mayroon ng mga opisyal na irerekomenda naming sibakin sa puwesto, mas marami po ‘yung opisyal na irerekomenda naming pagbitiwin muna habang patuloy ang imbestigasyon,” ani Belgica.

Binigyang-diin ng opisyal na suportado ng mga ebidensiya ang kanilang ginawang imbestigasyon, bukod pa ito sa saksing nagpupunta sa kanilang opisina at ang mga testimonya sa mga imbestigasyon ng Senado.

Sinabi pa ni Belgica na medyo maluwag ang sistema sa DOH kaya madaling ­makagawa ng anomalya ang ilang opisyal at kawani ng ­kagawaran.

“Napakalaki nito, 4 billion pesos a week. ­Mabigat ito, ang sinabi nila na pondo ng ­PhilHealth na open to corruption. Ganyan ­kalaki ang ginagastos,” dagdag pa ni Belgica.

Kaugnay naman sa naging pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi sa kanyang termino nangyari ang mga anomalya, bagkus ay minana lamang niya ito, sinabi ni Belgica na dapat may ginawa ang kalihim para ­matigil ang mga ganitong anomalya sa kagawaran.

“Meron pong mga namana si Secretary Duque, pero without preempting anything ‘pag ikaw na kasi ang umupo, hindi ka na puwedeng magturo. Anong ginawa mo after,” wika pa ni Belgica. (Aileen Taliping)