Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga dolomite beach marshal `di naawat buhos ng tao

0 116

Tinatayang umabot umano sa mahigit 6,000 katao ang dumagsa sa dolomite beach sa Manila Bay kahapon para mamasyal matapos na ibaba sa alert level 3 ang National Capital Region(NCR).

Ayon sa Manila Police District-Station 5, nagsimulang dumating ang mga tao alas-siyete ng umaga.

Ito’y sa kabila ng pagtatalaga ng mga marshal sa lugar para ipatupad ang mga safety protocol para na rin sa kaligtasan kontra COVID.

Naging mapayapa naman ang paligid sa kabila nang pagdagsa ng mga tao sa kontrobersiyal na dolomite beach.

Una nang binuksan ito noong Oktubre 16, mula alas-otso hanggang alas-11:00 ng umaga at alas-tres ng hapon hanggang alas-sais ng gabi.

Mahigpit na pinatutupad sa dolomite beach ang pagsusuot ng publiko ng face mask at face shield gayundin ang physical distancing bilang safety protocol laban sa COVID-19.

Subalit nitong Linggo ay tila mas matao pa sa dolomite beach kaysa sa Boracay.

Halos siksikan na kasi ang mga tao at walang physical distancing.

Ayon kay Jacob Meimban Jr, deputy executive director ng Manila Bay Coordinating Office, hindi umubra ang estratehiya nilang gawing grupo ang bawat pagpasok sa beach dahil gagawa naman aniya ito ng mahabang pila at pagkukumpulan sa kahabaan ng Manila Bay.

“Ginawa na namin `yan. Ang nangyari ay lalo nagkaka-congestion sa labas, na sa tingin namin ay mas delikado dahil dikit-dikit sila doon at hindi gumagalaw,” sabi ni Meimban sa panayam.

Una nang nagbabala si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque na hindi pa dapat maging kampante ang publiko dahil maaaring sumipa uli ang mga kaso ng COVID kapag hindi sumunod sa mga safety protocol ang publiko katulad ng pagkukumpulan ng mga tao.

Ibinabala ito ni Duque kasunod ng mga ulat na dinadagsa ng mga tao ang dolomite beach at iba pang lugar matapos luwagan ang alert level sa Metro Manila. (Juliet de Loza-Cudia/Vienne Angeles)

Leave A Reply

Your email address will not be published.