Abante Tonite Interactive

Mga drug lord may grupo ng assassin sa Bilibid

475

May ilang preso sa New Bilibid Prison (NBP) ang ginagamit bilang ‘assassin’ o tirador ng mga drug lord, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

“They are allowing criminal activities outside tapos balik sa loob. Murder. Pinapayagan lumabas para may gagawin, may ipapatira ang mga drug lord tapos babalik sa loob. Eh ‘di walang huli,” paha­yag ni Sotto sa panayam ng mga repor­ter sa telepono.

Bukod sa pagiging tirador, ginagamit din umano ang mga preso sa transaksyon ng droga at iba pang iligal na aktibidad sa loob ng NBP.

“Yes, hindi lang murder, lahat ng klaseng criminal activities ginagawa nila,” sabi pa ni Sotto.

Ang ibang preso aniya kahit na nakalaya ay nagbabalik pa sa loob para maging ‘bata’ ng mga high profile inmate.

“‘Yung iba nga, may inmates doon hindi na inmate kaya ang dami nila. Hindi na inmates pero andun pa sa loob,” ani Sotto.

Bukod sa ginagamit ang mga preso bilang tirador, may iba pa umanong mga anomalya sa loob ng NBP ang hindi pa natatalakay sa pagdinig sa Senado.
Ayon pa kay Sotto, may ilang mga testigo pa ang gustong magsalita subalit ilalahad lang umano ito sa isang executive session.

“Last week pa sana ito pero puro exe­cutive session ang gusto. We really have to talk to others,” ani Sotto.

Hindi lang umano sa NBP nangyayari ang mga katiwalian kundi maging sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

“Sa loob at labas, pati sa Correctional (Institution for Women), milyunan ang labanan,” ayon pa kay Sotto. (Dindo Ma­tining)